DA, pinangunahan ang selebrasyon ng World Rabies Day ng Gitnang Luzon
Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO 3) sa pangunguna ng Integrated Laboratory Division (ILD) katuwang ang Bureau of Animal Industry (DA-BAI) at Department of Health ang selebrasyon ng World Rabies Day nitong ika-28 ng Setyembre sa pamamagitan ng Zoom meeting application sa mga sumali via online at sa Green Manor, San Juan, City of San Fernando, Pampanga para sa mga personal ng dumalo.
Ang World Rabies Day ay nilikha upang itaas ang kamalayan at adbokasiya para sa pag-aalis ng rabies sa buong mundo at idinisenyo upang pagkaisahin ang lahat ng mga tao, samahan, at stakeholder laban sa rabies.
Ginagawa ang World Rabies Day taun-taon tuwing ika-28 ng Setyembre. Ang petsang ito ay napili dahil ito ay anibersaryo ng pagkamatay ng unang taong matagumpay na lumikha ng isang bakuna laban sa rabies na si Louis Pasteur.
Ang tema ngayon taon ay “Rabies: Facts not Fear”. Nabuo ang tema dahil marami paring mga maling katuruan, impormasyon at paniniwala ang mga tao patungkol sa bakuna sa rabies na nagdudulot ng pagkatakot nila at sa mga alagang hayop. Kahalintulad ito ng bakuna sa COVID-19 na maraming natatakot at nag-aalinlangan dahilan sa maling impormasyon kanilang nalalaman.
Ngayon taon, ang tema ay nakapokus sa pagkalat ng tamang impormasyon patungkol sa rabies at pagkaisahin ang lahat upang makamit ang mithiing mawala ang pagkamatay ng tao dahil sa rabies ng aso sa taong 2030.
Nilahukan ang training workshop ng mga Provincial/City/Municipal Veterinarians at Rabies coordinators ng Gitnang Luzon.
Sa mensahe ng Regional Technical Director for ILD, Regulatory and Research na si Arthur Dayrit, PhD., nabanggit nito na kailangan ang patutulungan upang makamit ang zero rabies cases sa taong 2030. Hinikayat din nito ang bawat isa na alamin ang tamang impormasyon sa rabies, gamitin ang mga natutunan at ikalat ang impormasyon upang mas maraming tao ang maabot at magkaroon ng kamalayan.
Ayon naman kay Rabies Focal Person ng DA-BAI Dr. Daphne J. Rhea na nagbigay ng updates sa Animal Rabies and Program Strategies ng bansa. Isa ang Gitnang Luzon sa may mga lalawigang mataas ang kaso ng rabies partikular sa Pampanga, Bulacan at Nueva Ecija.
Kasunod nito, isang magandang balita naman ang hatid ni City Veterinarian Dr. Imelda Arguellas ng Meycuayan, Bulacan sa pagbabahagi niya ng kanilang mga istratehiya at operasyon kung paano nawala ang mga kaso ng rabies sa kanilang lungsod.
Samantala, binigay naman ni Deputy Chief ng Japan-Philippines One Health Rabies (JAPOHR) project Dr. Nobuo Saito, M.D. ang mga bagong pamamaraan sa pagkolekta ng samples at rabies diagnosis. Isa sa mga pamamaraang ito ay ang paggamit ng Rapid Rabies Diagnosis Method na mas madali at mabilis malaman ang resulta kung positibo o negatibo sa rabies ang aso.
Sa kanyang parte, inilahad ng Rabies Coordinator at Hepe ng ILD na si Dr. Milagros Mananggit ang updates sa animal rabies at mga patnubay sa pagkamit ng rabies freedom sa Gitnang Luzon.
Sa huling parte ay nagkaroon ng workshop ang mga rabies coordinators na magtatalaga ng layunin at gawain para sa LGU level rabies control, prevention and elimination.