Pormal nang inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) ang kanilang Corporate Plan para sa taong 2022 hanggang 2027 nitong ika-8 ng Agosto sa Royce Hotel, Clark, Pampanga.

Ito ay pinangunahan nina Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr., Regional Technical Director for Operations and Extension and AMAD, Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., at Regional Technical Director for Research, Regulatory and Integrated Laboratories, Dr. Arthur D. Dayrit kasama ang DA RFO 3 Corporate Plan Task Force. Dinaluhan naman ito ng mga pangunahing tauhan at opisyal ng DA RFO 3.

Bilang tagapangulo ng Corporate Plan Task Force, iprinisinta ni Planning, Monitoring and Evaluation Division Chief, Noli C. Sambo ang mga highlight ng Corporate Plan gaya ng bagong vision, mission, core values, tagline at logo ng DA RFO 3 pati na rin ang mga mahalagang bahagi nito.

Layunin ng Corporate Plan na ito na tiyaking may sapat na kaalaman upang makapaghatid ng dekalidad na serbisyo at pakikipag-ugnayan ang mga tauhan ng kagawaran sa mga kliyente o stakeholder nito lalong lalo na sa mga magsasaka at mangingisda. Ito ay magsisilbing manwal sa pagkamit ng mga mithiin ng kagawaran tungo sa mahusay na serbisyo publiko.

Wika ni Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr. sa pagtanggap ng Corporate Plan na ito, “I commit myself to the achievement of the initiatives that you have indicated in this Corporate Plan. I commit to the fulfillment of the implementing mechanisms. Towards these, I shall oblige myself to the best of my ability to ensure that people, funds, assets, and other resource requirements are made available for the CorPlan’s smooth implementation.”Dagdag pa niya na ito ay para sa mga katuwang at stakeholder ng ahensya.

Pinasasalamatan niya ang mga ito dahil sa patuloy na pag-ulat ng kanilang mga pangangailangan na naging batayan ng mga planong ito. Gayundin, kanyang pinasalamatan ang mga tauhan ng DA RFO 3 na aktibong nakilahok at naging susi sa pagbuo ng gawaing ito.

Ang pagbuo ng DA RFO 3 Corporate Plan para sa taong 2022 hanggang 2027 ay magsisilbi ring isa sa pangunahing kwalipikasyon sa pagkamit ng sertipikasyon sa ISO (International Organization for Standardization) 9001:2015. Ang ISO 9001:2015 ay pamantayang kinikilala sa buong mundo para sa paglikha, pagpapatupad, at pagpapanatili ng Quality Management System para sa isang organisasyon o kumpanya.

Dumalo rin sa nasabing kaganapan ang chairman ng League of Governors in Central Luzon na si Governor Susan A. Yap ng Tarlac, Regional Agriculture and Fisheries Chairman Engr. Francisco A. Fernandez, DOST Regional Director Dr. Julius Caesar V. Sicat, Director Ferdinand Domingo ng President Ramon Magsaysay State University, at ang nagsilbing consultant sa pagbuo ng Corporate Plan na ito na si Dr. Evelyn Aro-Esquejo.

#DACentralLuzon