Sa layuning kilalanin at palakasin ang papel ng mga katutubong pamayanan sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangkabuhayang sektor, ipinagdiwang ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA-RFO 3) ang Indigenous Peoples’ Right Act (IPRA) Commemoration noong ika-13 ng Oktubre sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Ang pagdiriwang ay may temang “Weaving Culture, Enriching Future: Empowering Indigenous Communities as Bedrock of Sustainable Development.”
Ang aktibidad ay pinangunahan ng DA-RFO 3 sa pamamagitan ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program, na naglalayong isulong ang kabuhayan at kapakanan ng mga katutubong mamamayan sa Gitnang Luzon.
Dinaluhan ito nina Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Arthur Dayrit, 4K Program National Deputy Director Ronald Pamittan, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Regional Legal Officer Atty. Azril Dogaong, Regional 4K Program Focal Person Melody Valdez, at Supervising Agriculturist/Assistant Division Chief of the Field Operations Division Dr. Lowell Rebillaco.
Binigyang kulay ng programa ang mayamang kultura ng mga katutubong grupo sa rehiyon sa pamamagitan ng ribbon cutting ng product display ng mga lokal na produkto ng mga Indigenous People Organizations (IPOs), kasunod ang makulay na indigenous cultural performances na nagpakita ng kanilang tradisyon, sining, at pagkakakilanlan.
Nagbigay rin ng mensahe ng suporta si Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz, Jr. na nagpahayag ng buong pagtitiwala ng kagawaran sa kakayahan ng mga katutubo bilang katuwang sa pagsulong ng mas inklusibong agrikultura.
Kasama rin sa mga tampok na bahagi ng selebrasyon ang talakayan ukol sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) sa pamamagitan ng Information, Education, and Communication (IEC) session, 4K Program Consultation Meeting at Open Forum, at Institutional Buyer Discussion ng John N Mico na layuning palawakin ang merkado ng mga produkto ng katutubo.
Ayon sa datos ng DA-4K Central Luzon, may kabuuang 47 Indigenous People Organizations (IPOs) na partner-beneficiaries sa buong rehiyon.
Kabilang dito ang 7 IPOs sa Aurora, 9 sa Bataan, 5 sa Bulacan, 3 sa Nueva Ecija, 8 sa Pampanga, 6 sa Tarlac, at 9 sa Zambales.
Ang mga grupong ito ay patuloy na tinutulungan ng Kagawaran sa pagpapaunlad ng kani-kanilang ancestral domain commodities gaya ng banana saba, cassava, ginger, gabi, honey, at ube.
Ayon kay 4K Regional Focal Person Melody Valdez, ang patuloy na pagdiriwang ng IPRA ay isang paalala na ang tunay na kaunlaran ay nakaugat sa pagkilala at paggalang sa kultura, karapatan, at kakayahan ng mga katutubo.
“Ang ating mga katutubong kapatid ay hindi lamang bahagi ng ating kasaysayan, kundi haligi rin ng ating kinabukasan. Sa kanilang kultura, sipag, at dedikasyon, nabubuo ang isang bansang may matibay na pundasyon tungo sa makataong kaunlaran,” ani Valdez.
Ang naturang pagdiriwang ay isa sa mga pangunahing aktibidad ng DA-RFO 3 kaugnay ng 2025 Indigenous Peoples’ Month Celebration bilang pagpapakita ng patuloy na suporta ng Kagawaran ng Agrikultura sa mga katutubong mamamayan.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong















