DA RFO 3 katuwang ang DAR sa proyektong “Buhay sa Gulay”
Matagumpay na nailunsad ang mini launching ng proyektong “Buhay sa Gulay” ng Department of Agrarian Reform kasama ang High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon na naganap sa Government Center, Maimpis, City of San Fernando, Pamapanga nitong ika-20 ng Agosto.
Layunin ng nasabing proyekto na gamitin ang hindi na nagagamit na lote upang gawin itong taniman ng mga iba’t-ibang uri ng gulay. Higit sa lahat, layunin nito na maturuan ang 10-20 Urban dwellers, ARBO Members, at ibang Farmer Organizations patungkol sa Urban Agriculture.
“Ang kahulugan ng Buhay sa Gulay ay upang mabigyan ng buhay o pangkabuhayan ang mga urban dwellers dito lalo na ngayon sa panahon ng pandemya. Ito rin ay maaring maging tugon sa makabagong pamumuhay o new normal” saad ni Mr. Eloy Palomo, DAR 3 Focal Person.
“Ang proyektong Buhay sa Gulay ng DAR ay aming nakitaan ng halaga lalo na ngayong panahon ng pandemya na kung saan kailangan nating gawing produktibo ang mga bakanteng lupa na pwedeng tamnan ng gulay para makapag produce tayo ng sariling pagkain. Kaya naman ang DA through HVCDP ay sinuportahan at pinondohan ang programang ito sa tulong ng ating mga private partners (Harbest at Known You) para makatulong sa ating mga mamamayan na nagnanais na i adapt ang ipapakitang pamamaraan ng pagtatanim ng gulay dito sa mahigit 2,500 metro kwadradong sukat na ating proyekto” ani ni Engr. AB P. David, Regional HVCDP Focal Person.
Katuwang ng DA RFO 3 at DAR 3 ang Harbest Agribusiness Corporation at Known-You Seed Company kung saan sila ay nagbigay ng iba’t-ibang uri ng pananim at iba pang mga farm supplies na makakatulong sa pagsasagawa ng nasabing proyekto.
“Kami po ay handang sumuporta sa proyektong ito mula sa land preparation hanggang sa harvest festival po na gaganapin sa dulo ng proyektong ito” saad naman ni Ms. Queenaliza Velasco, Regional Marketing Director ng Harbest Agribusiness Corporation.
Ang nasabing proyekto ay kasalukuyang nasa Phase I o Pre-Implementation Phase.