Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka – Gitnang Luzon (DA-RFO 3), sa pamamagitan ng Regulatory Division, ng dalawang araw na Information Caravan para sa mga magsasaka mula sa Apalit, Pampanga noong Hunyo 19–20 sa Brgy. Lourdes, Minalin, Pampanga.
Ang aktibidad may layuning maibahagi sa mga magsasaka ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga programa, proyekto, at serbisyong handog ng DA. Sa pamamagitan nito, mas napalalawak ang kanilang kaalaman sa mga oportunidad at suportang maaaring makatulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan at pagpapataas ng produktibidad sa pagsasaka.
Dinaluhan at sinuportahan ito nina DA Assistant Secretary for Agriculture and Fishery Regulatory Services Program Atty. Paz Benavidez II; Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr.; OIC-Regional Technical Director Elma Mananes; Regulatory Division Chief Dr. Xandre Baccay at; Assistant Division Chief Marilyn Velarde.
Ang mga kalahok sa information exchange ay ang mga magsasaka mula sa Samahang Manggugulay ng Calantipe at Apalit Irrigators Association.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Asec. Paz ang kanyang matibay na suporta sa mga magsasaka ng Apalit. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging organisado at akreditado ng mga samahan upang mas marami pang miyembro ang makinabang sa mga programa at tulong na ipinagkakaloob ng DA.
Samantala, sinabi naman ni RTD Mananes na mataas ang kanyang pagpapahalaga sa mga magsasaka bilang pangunahing tagapagtaguyod ng seguridad sa pagkain ng bansa. Hinikayat din niya ang mga ito na patuloy na makipagtulungan sa Kagawaran sa pamamagitan ng pagsisikap na mapataas ang kanilang produksyon upang makatulong sa pagsusulong ng napapanatiling agrikultura at seguridad sa pagkain.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi naman ni RED Lapuz na masusing sinusuri ng kanilang tanggapan ang mga kahilingan ng mga magsasaka at sinisiguro nilang nabibigyan ng prayoridad ang mga hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa mga programa ng Kagawaran.
Sa unang araw ng Information Caravan, tinalakay ang iba’t ibang programa, proyekto, at serbisyo ng DA sa ilalim ng Field Operations Services, Regulatory Services, Agribusiness and Marketing Assistance Services, at Planning, Monitoring and Evaluation Services.
Samantala, sa ikalawang araw ay nagsagawa ng aktwal na pagkuha ng soil samples mula sa mga lupang pansakahan. Ang gawaing ito ay isang mahalagang hakbang upang masuri ang kalagayan ng lupa at makapagbigay ng angkop na rekomendasyon para sa mas mahusay at mas produktibong pagsasaka.
Patuloy na isinusulong ng DA-RFO 3 ang mga programang nagbibigay-kaalaman at teknikal na suporta sa mga magsasaka bilang bahagi ng layunin nitong mapaunlad ang sektor ng agrikultura at matiyak ang sapat at ligtas na suplay ng pagkain para sa bansa.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong

