Bilang parte ng pagdiriwang ng World Food Day (WFD), nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pangunguna ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section ng WFD Regional On-the-Spot Poster Making Contest noong ika-27 ng Setyembre.
Katuwang ang Department of Education (DepEd) ng ikatlong rehiyon, ginanap ito sa DA RFO 3 Training Hall, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Sa temang “Water is Life, Water is Food. Leave No One Behind,” ito ay isang okasyon na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkain sa buhay ng bawat isa.
Para sa pambungad na mensahe, inilahad ni Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz, Jr. ang kahalagahan ng tubig.
“Ang tubig ay lubhang mahalaga dahil kung wala ito ay walang magiging tanim, ani, at makakain ang bawat isa sa atin, parte ito ng ating pang-araw-araw na pamumuhay,” saad niya.
Dagdag pa rito, ito rin ay isang pagkakataon para sa mga indibidwal, komunidad, at mga bansa sa buong mundo na magkaisa at magtaguyod ng kamalayan ukol sa mga isyu ng pagkain, malnutrisyon, at kawalan ng kasiguraduhan sa pagkain.
Ang mga kalahok ay mula sa bawat lalawigan ng ikatlong rehiyon na nasa Grade 5 hanggang Grade 6 mula sa pampubliko at DepEd-accredited na pribadong paaralan.
Nagsilbing hurado sina Dr. Ginno Jhep A. Pacquing, Project Development Officer IV at Crisel P. Viray, Nutritionist and Dietician ng DepEd Region 3, Melody Alejandre, Project Assistant I/ Graphic Designer ng DA RFO 3 High Value Crops Development Program at Gian Carlo Luage, Photographer and Creative Arts Specialist ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Nagbase ang mga hurado sa apat na aspeto: originality (30%), creativity (30%), visual impact (20%) at relevance to the theme (20%).
Nagpahayag din si Regional Executive Director Crispulo Bautista, Jr. ng kaniyang mensahe na kapupulutan ng aral ng mga kabataan.
“Ang mga magsasaka ay kinakailangan natin tatlong beses sa isang araw, almusal, tanghalian hanggang hapunan. Huwag po kayong maniniwala sa sinasabi nilang kapag hindi maganda ang performance mo sa eskwelahan ay magsaka ka na lang. Ang pagsasaka ay isang marangal na propesyon, may pera sa agrikultura, kung walang magsasaka, wala tayong makakain,” pahayag ni Direktor Bautista.
Wagi at tinanghal na kampeon si Ron Jairo Vizcayno mula sa Pandacaqui Resettlement Elementary School, na sinundan ni Samwise Valera ng Caingin Elementary School na nakamit ang ikalawang pwesto at si Ma. Jerushia Mia Jimenez ng Tungkong Mangga Elementary School para sa ikatlong puwesto.
Ang panalo na si Vizcayno ang magiging kinatawan ng ikatlong rehiyon sa susunod na level ng kompetisyon—National Level ng Poster Making Contest sa susunod na buwan.
Ang isinagawang aktibidad ay isang hakbang para sa mas mataas na kamalayan hinggil sa mga isyu ng kalusugan at kalikasan.