Nagsimula na noong Biyernes, ika-17 ng Nobyembre ang Cashless Expo 2023 sa World Trade Center sa Pasay City.
Ito ay inorganisa ng GoDigitalPilipinas Movement (GDP) Inc., sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA), Bangko Sentral ng Pilipinas, at Department of Trade and Industry.
Bilang representante ng DA Regional Field Office 3 (DA RFO 3), dumalo rin ang Rice Banner Program Focal Person na si Dr. Lowell Rebillaco ngayong araw, ika-19 ng Nobyembre upang maipakita ang suporta ng DA RFO 3 sa pagsulong ng modernisasyon sa bansa lalo na sa sektor ng agrikultura.
Nabigyan din ng pagkakataon ang Central Luzon exhibitor representative na makapagbenta sa expo.
Ito ay ang Joyful Garden Farm ng San Ildefonso, Bulacan na pagmamay-ari ni Jocelyn Reyes. Dito ay kaniyang naibenta ang kanilang produkto tulad ng Brown Rice, Black Rice, Red Rice, Spanish Sardines, at iba pa.
Ang aktibidad na ito ay co-presented ng Maya at dinaluhan ng mga pangunahing sponsors tulad ng PLDT, VISA, GCash, UnionBank, at Tiktok Shop.
Layunin ng Cashless Expo na itaguyod ang paggamit ng digital o cashless transactions sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) pati na rin sa mga mamimili.
Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pinakamahusay na mga serbisyo at produkto ng Pilipinas, ibinibida rin dito na maipakita sa publiko ang kahalagahan at kaginhawaan ng paggamit ng cashless payments.
Ang mga dumalo sa expo ay nagkaroon ng pagkakataon na masaksihan at ma-experience ang mga teknolohiyang pang-pinansyal na magpapadali sa kanilang araw-araw na transaksyon.
Bukod sa pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa cashless payments, nagkaroon din ng mga sesyon sa pagtuturo at mga seminar upang magbigay ng kaalaman sa mga negosyante at mamimili kung paano magagamit ng tama at ligtas ang mga digital na pamamaraan ng pagbabayad.
Nagbigay ng pagkakataon ang expo para sa mga MSMEs na makipag-ugnayan sa mga bangko, financial technology companies, at iba pang mga ahensya upang mas mapadali ang kanilang mga transaksyon at pagpapalago ng kanilang negosyo.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring sumusuporta ang gobyerno at iba’t ibang sektor sa pagpapalaganap ng cashless transactions sa bansa.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, mas lumalawak at mas nagiging laganap ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga benepisyo at kahalagahan ng paggamit ng teknolohiya sa pananalapi.