Nagpulong ang mga pinuno ng magsasaka at mga kinatawan ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) nitong Hulyo 28, 2026 sa DA RFO III BAC Conference Room, DMGC, Brgy. Maimpis, lungsod ng San Fernando, Pampanga upang talakayin ang mga oportunidad sa sektor ng agrikultura.

Ang pulong ay pinangunahan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture Regional Field Office III sa ilalim ng pamumuno ni Engr. AB P. David, Regional Focal Person ng HVCDP, maging ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), at Agricultural and Fisheries Logistics Office (AFLO). Naging katuwang sa aktibidad na ito ang Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), Research for Development Division (R4DD), Department of Trade and Industry (DTI), at Tarlac State University (TSU).

Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng welcome remarks ni Engr. AB P. David, na siya ring National Program Director ng Sagip Saka Program. Ipinahayag niya ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa aktibong pakikilahok at patuloy na suporta ng mga magsasaka, provincial at municipal counterparts, gayundin ng mga ahensya at institusyong katuwang sa programa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtatatag ng direct market linkages sa pagitan ng mga farmer-producers at mga direktang mamimili upang lumikha ng mas magandang oportunidad sa pamilihan at tuluyang mapataas ang kita ng mga magsasaka.

Bukod dito, ipinakilala rin niya ang mga pangunahing bahagi ng Sagip Saka Program, partikular ang direct procurement mechanism nito para sa mga lokal na produktong agrikultural mula sa mga kwalipikadong magsasaka, farmers’ cooperatives and associations (FCAs), sole proprietors, at mga MSMEs na nakarehistro sa Farm and Fisheries Enterprise Development Information System (FFEDIS). Tinalakay din niya ang iba’t ibang interbensyon at grant financing assistance sa ilalim ng programa, at hinimok ang mga kwalipikadong FCA na interisado sa mga inisyatibong ito upang mapalakas ang kanilang market competitiveness at enterprise development.

Kasunod na tinalakay ni Ms. Maria Fatima David, ang Senior Trade Industry Development Specialist ng Department of Trade Industry ang tungkol sa mga oportunidad sa pamumuhunan at mga kinakailangang suporta ng mga MSME sa sektor ng agrikultura sa Rehiyon III. Sinundan ito ng presentasyon mula sa Tarlac State University (TSU), kung saan inihayag ng institusyon ang kanilang mga umiiral na teknolohiya sa pagproproseso at mga value-adding intervention para sa mga napiling priority commodities.

Ibinahagi naman ni Engr. Glory Ann Herrera, Market Specialist I mula sa AMAD, ang mga stratehiya sa market linkages, mga oportunidad sa agribusiness, at ang iba’t ibang suportang serbisyo ng kanilang dibisyon para sa mga farmer-led MSMEs. Mula naman sa Research for Development Division (R4DD), prinesenta nina Ms. Anne Margaret Toralba at Mr. Geoffrey C. Abon, ang mga inisyatibo ng kanilang dibisyon sa pananaliksik upang makabuo ng mga makabagong teknolohiya at value-added products para sa mga high-value crops.

Nagtapos ang programa sa isang masiglang Open Forum kung saan malayang nakipagpalitan ng kaisipan at mungkahi ang mga magsasaka at ibang institusyon. Sa kabuuan, layunin ng ugnayang ito na tulungan ang mga lokal na magsasaka na maging ganap na entrepreneur sa pamamagitan ng paggamit ng modernong teknolohiya, pagpapataas ng halaga ng kanilang ani, at pagkakabit sa kanila sa mas malalaking pamilihan.

#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong