Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para Gitnang Luzon (DA RFO III) ng Retooling Workshop upang mapabuti ang pagsusumite ng Planting and Harvesting Reports sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) noong ika-20 ng Pebrero sa DA RFO III Conference Room, City of San Fernando, Pampanga.
Dinaluhan ito ng Agricultural Extension Workers (AEWs), Municipal Agricultural Officers mula sa iba’t ibang bayan ng Aurora at Bataan, pati na rin ng HVCDP coordinators at report officers mula sa Office of the Provincial Agriculturist ng parehong lalawigan. Bilang panimulang bahagi ng programa, nagbigay ng pormal na pagkilala sa mga kalahok si Alternate NUPAP Report Officer Sarah Marie Dingoasen.
Binigyang-diin naman ni DA RFO III Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. ang kahalagahan ng mga AEWs bilang katuwang ng Kagawaran sa pagpapatupad ng mga programa sa lokal na antas sa kanyang pambungad na pananalita. “Natutuwa kami sa inyong presensya dahil ito ay patunay ng inyong patuloy na pakikiisa sa ating mga programa. Kayo ang aming katuwang sa pagpapatupad ng mga inisyatiba sa ating mga magsasaka at lokal na pamahalaan,” ani Director Lapuz.
Ipinaliwanag naman ni Regional NUPAP Alternate Focal Person Glarissa Balbarez ang layunin ng aktibidad, partikular ang pagtugon sa hindi pagtutugma ng datos ng lokal na pamahalaan (LGU) sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may malaking epekto sa pagpaplano ng mga programa. Dagdag pa niya, ang Google Sheets ang magiging pangunahing plataporma para sa pagsusumite ng planting at harvesting reports para sa real-time collaboration, data validation, at mas mabilis na pag-monitor ng agricultural production.
“Importante na maayos at accurate ang ating datos upang matukoy kung sapat ba ang ating produksyon para sa pangangailangan ng rehiyon. Sa pamamagitan ng standardized reporting, mas mapapadali ang pagpoproseso ng datos at magiging mas epektibo ang pagpaplano ng mga programa,” paliwanag ni Balbarez. Tinalakay ni Alternate HVCDP Report Officer Engr. Margie Lyn A. Diego ang tamang proseso ng pagsusumite ng HVCDP Planting at Harvesting Reports.
Kabilang sa kanyang presentasyon ang monitoring at evaluation process kung saan hinihikayat ang mga bayan na mag-update ng datos linggo-linggo upang masubaybayan ang progreso ng ani, produksyon, at presyo ng pananim. Ang mga datos ay kinokolekta mula sa mga LGU patungo sa provincial level bago ito isama sa mas malawak na regional analysis.
Tinukoy din niya ang ilan sa mga karaniwang hamon sa reporting, kabilang ang limitadong internet access sa LGU level na nakakaapekto sa online encoding, pagkakaiba-iba ng format ng datos na nagdudulot ng hindi pagkakatugma ng impormasyon, at hindi regular na pag-update ng standing crop data, na nagiging sanhi ng hindi tamang damage assessment.
Bilang solusyon, ipinatutupad ng DA RFO III ang pagsasanay sa paggamit ng Google Sheets upang masanay sa standardized reporting, paggawa ng offline reports na maaaring i-upload kapag may internet access na, at mas mahigpit na monitoring sa pagsusumite upang matiyak ang tamang pagsunod sa reporting deadlines. Samantala, ipinaliwanag naman nina Regional Disaster Risk Reduction Management Alternate Focal Person Jake Oneal Garcia at Diane Samson ang Damage Report Templates and Guidelines.
Nagbigay rin ng presentasyon si Balbarez kaugnay ng NUPAP Planting and Harvesting Report at Damage Report. Ipinakita niya ang mga modelo ng urban agriculture sa Gitnang Luzon at ang tamang paraan ng pagtatala ng produksyon ng mga pananim tulad ng kamatis, talong, sitaw, pechay, at iba pa. Sa kanyang pangwakas na pananalita, iginiit ni Regional HVCDP Alternate Focal Person Christine Joy Corpuz ang kahalagahan ng maayos na planting at harvesting data sa pagpapabuti ng mga programang pang-agrikultura.
Aniya, ang maling pagtatala ng datos ay maaaring magresulta sa hindi balanseng supply at demand ng produksyon. Dagdag pa nito na ang tamang pagsusumite ng datos tuwing Huwebes ay mahalaga upang maiwasan ang mga hindi pagkakatugma sa supply monitoring ng DA at iba pang ahensya.

#BagongPilipinas #DasaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong