Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) sa pamamagitan ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Program ng Tree Planting Activity noong ika-26 ng Setyembre bilang bahagi ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Save Sierra Madre Day.
Layunin ng tree planting na mapanatili ang balanse ng kalikasan, makatulong sa pagpapagaan ng epekto ng climate change, at magpalawak ng kamalayan hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga at wastong paggamit ng likas na yaman.
Nagkaroon ng pagbabahagi ng pahayag hinggil sa kahalagahan ng Sierra Madre bilang mahalagang pinagkukunan ng likas na yaman at nagsisilbing pananggalang laban sa mga kalamidad.
Bahagi rin ng aktibidad ang sama-samang ‘Pledge of Commitment’ ng mga kalahok, kung saan nanumpa silang aalagaan ang mga itinanim na puno at ipagpapatuloy ang adbokasiya ng pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay AMIA Program Focal Person Zayra S. Toledo, 100 puno ng narra ang naitanim sa naturang aktibidad na dinaluhan ng mga magsasaka mula sa tatlong samahan: Carranglan Livestock Farmers Association, Carranglan Irrigators Association, at Putlan Farmers Association.
Dumalo at nakiisa rin sa makabuluhang akdibidad na ito sina Mayor Rogelio B. Abad ng Bayan ng Carranglan; Analou Morelos, Nueva Ecija District II Agricultural Program Coordinating Officer; Aldrin Alputan, kinatawan mula sa Community Environment and Natural Resources Office ng Science City of Muñoz; at Lany Corpuz, Municipal Agriculture Officer ng Carranglan.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong






