Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) ang Values Formation-Training and Mental Health noong ika-7 ng Agosto sa Epatha Development Center, Maimpis, City of San Fernando, Pampanga, na nilahukan ng mahigit 200 kawani mula sa Research, Regulatory, at Integrated Laboratories Division.

Pinangunahan ng Office of the Regional Technical Director for Research, Regulations, and Integrated Laboratories Division sa pamumuno ni OIC-Regional Technical Director Elma S. Mananes ang naturang aktibidad na naglalayong palakasin ang pagpapahalaga sa integridad, accountability, professionalism, at kahusayan sa serbisyo publiko, kasabay ng pagpapalawak ng kamalayan sa mental health at well-being ng mga kawani.

May temang “Rooted in Purpose: Building Strong Values, Healthy Minds, and Meaningful Service,” tinalakay sa aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na layunin sa paglilingkod, pagpapahalaga sa core values ng DA-RFO III, mental well-being at self-awareness, gayundin ang stress management.

Naging resource person at facilitator ng pagsasanay si Patricio A. Ballecer, Jr., Managing Director ng PAB Training and Development Services, na gumabay sa mga kalahok sa mga talakayan, interactive activities, at guided reflections.

Kabilang sa mga aktibidad ang Heart & Mind Tune-Up, personal values reflection, group processing, mental well-being activities, at “From Stress to R.E.S.T.” na nakatuon sa stress management at guided reflection. Tinalakay rin ang empathy at mindfulness sa sesyong “Meaningful Service Through Empathy.”

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong