DAR R3, DA RFO3 at mga Pribadong Kompanya, ipinagdiwang ang Harvest Festival ng Buhay Sa Gulay Project
Idinaos ang “Harvest Festival” ng Department of Agrarian Reform Regional Office III (DARRO III) kasama ang Department of Agriculture Regional Field Office III (DARFO III), Harbest Agribusiness Corporation, at Known-You Seed Philippines, Incorporation nitong ika-22 ng Disyembre sa DARRO III vacant lot, Government Center, Maimpis, San Fernando, Pampanga.
Ang proyektong “May Buhay sa Gulay” ay may layuning gawing kapaki-pakinabang na gulayan ang mga bakanteng lote at kalaunan ay makapag suplay ng gulay sa ilang mga residente ng San Fernando, Pampanga at sa mga karatig nitong mga munisipyo.
Ang nasabing proyekto ay pinasinayaan ng DARRO III, ang ahensya na naglaan rin ng kanilang bakanteng lupa para sa nasabing proyekto, katuwang nila ang DARFO III na siyang namahala sa production facility-greenhouse, drip irrigation system, training at iba pang farm inputs.
Samantala, ang mga pribadong kumpanya naman na Harbest ang nagsuplay ng mga pesticides, fertilizers, plastic mulch at iba pang mga agriplus supplies. Ang Known-You naman ang nagbigay ng mga high-value crop seeds at mga planting materials para sa nasabing proyekto.
Una nang nagkaroon ng Memorandum of Agreement signing ang mga nasabing ahensya at mga private companies tungkol sa “Buhay sa Gulay” project.