Umabot sa 50 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng Plaridel, Bulacan ang nakiisa sa isinagawang Deployment of Mobile Soil Laboratory (MSL) and Hands-On Training sa Soil Analysis gamit ang Soil Test Kit (STK) na ginanap noong Mayo 26, 2026 sa Jaime J. Vistan Multipurpose Hall.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office III sa pamamagitan ng Regional Soils Laboratory katuwang ang Bureau of Soils and Water Management, Office of the Provincial Agriculture of Bulacan, at Municipal Agriculture Office ng Plaridel, Bulacan.
Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka hinggil sa wastong pangangalaga ng lupa sa pamamagitan ng tamang soil sampling at paggamit ng STK.
Kasabay nito ay nagsagawa rin ng soil analysis sa 185 soil samples upang mabigyan ng agarang rekomendasyon ang mga magsasaka ukol sa tamang abono at pamamahala sa kanilang sakahan.
Ipinakilala rin sa mga kalahok ang MSL, isang makabagong 10-wheeler truck na may kakayahang magsuri ng 42 soil parameters nang direkta sa mismong lugar.
Sa pamamagitan nito, mas napapabilis ang pagsusuri ng lupa at nakatutulong upang makagawa agad ng tamang desisyon ang mga magsasaka para sa pagpapabuti ng ani at kalusugan ng kanilang lupa.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Ruff Justin Lucas dahil sa kaalamang kanyang natutunan mula sa pagsasanay.
“Malaking tulong ang aktibidad upang mas maintindihan ng mga magsasaka ang kahalagahan ng tamang pagsusuri ng lupa bago magtanim upang makamit ang mas mataas at dekalidad na produksyon, maraming salamat sa DA,” pasasalamat ni Lucas.
Samantala, inaasahan namang magpapatuloy sa mga susunod na araw ang deployment ng MSL at pagsasagawa ng hands-on training sa soil analysis sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan upang mas marami pang magsasaka ang makinabang sa naturang programa ng pamahalaan.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong


