Bilang bahagi ng pagpapaigting ng kaligtasan at kahandaan, nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) ng Earthquake at Fire Drill nitong ika-16 ng Hunyo, sa tanggapan nito sa Diosdado Macapagal Government Center, Brgy. Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga, kasunod ng lingguhang pagtataas ng watawat.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapaigting ang kahandaan ng mga kawani sa oras ng sakuna at iba pang emerhensiya. Layunin din nitong masubok ang kakayahan ng mga empleyado at mga nakatalagang response team sa pagpapatupad ng mga itinakdang emergency protocols.
Nagsimula ang pagsasanay sa isang simulated earthquake scenario kung saan isinagawa ng mga kawani ang wastong “Duck, Cover, and Hold” procedure. Matapos ang hudyat na ligtas nang lumikas, maayos na nagtungo ang mga empleyado sa mga itinakdang assembly area alinsunod sa evacuation plan ng tanggapan.
Sinundan ito ng fire drill upang higit na mapaigting ang kaalaman at kahandaan ng mga kawani sa pagresponde sa mga insidente ng sunog.
Sa isinagawang simulation, nasubukan ang koordinasyon ng mga miyembro ng Risk Management Team (RMT), Quality Workplace Team (QWT), mga Safety Officer, at iba pang mga kawani sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin sa panahon ng emerhensiya.
Ang earthquake at fire drill ay bahagi ng mga aktibidad ng DA-RFO III para sa pagpapalakas ng kaligtasan sa lugar ng trabaho at pagsuporta sa mga inisyatiba ng ahensya kaugnay ng emergency preparedness at organizational readiness.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong


