Pormal nang binuksan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) ang pagdiriwang ng Farmers and Fisherfolk Month 2026 ngayong ika-4 ng Mayo sa DA Covered Court, Brgy. Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Isinagawa ang pagbubukas sa ilalim ng temang “Pagbibigay-Pugay sa mga Magsasaka at Mangingisda sa Gitna ng Hamon at Krisis,” bilang pagkilala sa mahalagang papel ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa pag-unlad ng bansa.

Ang Farmers and Fisherfolk Month ay taunang ipinagdiriwang tuwing buwan ng Mayo alinsunod sa Presidential Proclamation No. 33, na naglalayong kilalanin at parangalan ang mahalagang ambag ng mga magsasaka at mangingisda sa kaunlarang pang-agrikultura ng bansa.

Binigyang-diin ni Planning Monitoring and Evaluation Division Chief Noli Sambo, ang kahalagahan ng representasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa proseso ng paggawa ng desisyon, gayundin ang pagtataguyod ng inklusibong pamamahala at ang pagpapatibay ng ugnayan at pakikipagtulungan sa pagitan ng pamahalaan at mga pangunahing stakeholders gayun na rin ang kritikal na papel ng sektor ng agrikultura sa pagtitiyak ng seguridad sa pagkain.

Ipinahayag naman ni Regional Executive Director Eduardo L. Lapuz Jr., ang kaniyang taos pusong suporta at pasasalamat “Maraming salamat po. Kayo ang tunay na bayani, hindi lamang tuwing buwan ng Mayo kundi araw-araw. Suportahan natin sila sa pamamagitan ng pagtangkilik sa lokal na produkto at direktang pagbili mula sa mga magsasaka. Igalang natin ang makatarungang presyo ng kanilang ani at huli sapagkat kung wala ang mga magsasaka at mangingisda, wala tayong kakainin.”

Bilang bahagi ng pagdiriwang, itinalaga si RAFC Vice Chairperson Engr. Francisco A. Hernandez bilang Farmer Regional Executive Director (FRED) para sa buong buwan ng Mayo. Ang inisyatibong ito ay naglalayong bigyang-diin ang kahalagaan ng representasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa mga proseso ng pagdedesisyon, itaguyod ang inklusibong pamamahala, at patibayin ang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at mga stakeholder sa grassroots sa pagsusulong ng isang matatag at napapanatiling sektor ng agrikultura at pangisdaan.

#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong