Food Pass, binibigay sa mga Agri-Enterprises upang patuloy na makapaghatid sa mga lugar na may lockdown
Inaanyayahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 – Agribusiness and Marketing Assistance Division ang mga Agri-Enterprises ng Gitnang Luzon na kumuha ng Food Pass upang hindi matigil ang paghahatid ng produktong agrikultura sa mga lugar na may lockdown.
Ayon kay Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Marketing Specialist Charito Libut, maaaring mag-apply ng Food Pass sa online upang matiyak ang kaligtasan. Magtungo lamang sa http://agribusiness.da.gov.ph para sa mga detalye at forms na kinakailangang sagutan.
Dagdag pa ni Libut, kung walang access sa online application maaari ring magtungo sa DARFO3-AMAD Office na matatagpuan sa Brgy. Sto. Niño, Capitol Compound, City of San Fernando, Pampanga upang personal na maibigay ang application ng food pass.
Binigyan diin din ng Marketing Specialist na ang mga naibigay na Food Pass noong nakaraang taon ay maaari pa rin magamit hanggang sa kasalukuyan at kung may mga nawalang food pass, maaaring magtungo sa DARFO3-AMAD Office o tumawag sa numerong 963-5751 o mag-email sa amadrfo3.foodpass2021@gmail.com upang matugunan ang mga katanungan sa food pass.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 9000 na ang nakakuha ng food pass noong nakaraang taon habang nasa 262 na food pass naman na ang naibigay ngayong 2021.