Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon (DA) sa ilalim ng Feed Chemical Analysis Laboratory (FCAL) ng Integrated Laboratory Division katuwang ang GRB Enterprises Inc. ng isang seminar tungkol sa Ensuring Safe Agriculture: Feed, Residue Control, and Animal Nutrition nitong ika-9 hanggang 10 ng Oktubre sa Ephatha Development Center, City of San Fernando, Pampanga.
Ang seminar ay ginawa bilang pakikiisa ng DA sa Food Safety month ngayong Oktubre na may temang “Science in Action” ngayong taon.
Dumalo sa aktibidad ang Hepe ng ILD na si Dr. Milagros Mananggit; Neogen Corporation Business Development Leader France Uy; Hepe ng Regulatory Division Xandre Baccay; Hepe ng FCAL Abigail P. Beltran; at mga kalahok mula sa Research Division, Regional Crop Protection Center, Operations Division at ILD ng DA Gitnang Luzon.
Layunin ng aktibidad na ito na sanayin ang mga kalahok sa kaligtasan ng pagkain at pakain, pagsusuri ng pesticide residue, at nutrisyon ng hayop upang mapalakas ang lokal na kakayahan sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa kaligtasan.
Sa unang araw ay napag-usapan ang mga pangunahing nutrisyon ng hayop tulad ng mga sustansya, toxicity o pagkalason, paggamit at pagsusuri ng pakain sa konteksto ng Pilipinas na ibinahagi ni Allen Joseph Canta na isang Animal Nutritionist at Agriculturist ll mula sa Bureau of Animal Industry.
Binahagi din ang kaligtasan sa pakain at pamamahala sa bodega tulad ng pagsasagawa ng inspeksyon alinsunod sa RA 1556 (Batas sa Pakain ng Alagang Hayop at Manok) na prinisenta ni Reynon G. De Mesa, Head of Inspection ng Bureau of Animal Industry Animal Feeds, Veterinary Drugs and Biologics Control Division.
Sa huling araw ng seminar ay tinalakay naman ang pagkontrol ng Mycotoxins sa pakain sa hayop.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong








