Patuloy ang pagsusumikap ng Department of Agriculture – Regional Field Office 3 (DA-RFO 3) na maihatid ang tulong sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon sa pamamagitan ng Distribution of Fuel Assistance to the Farmers Project (FAFP) na ginanap noong Oktubre 9, 2025 sa mga bayan ng Arayat at Sta. Ana, Pampanga.
Sa ilalim ng programa, 209 magsasaka ang tumanggap ng fuel assistance card bilang tulong upang mapagaan ang kanilang gastos sa pagpapatakbo ng mga makinaryang pansakahan.
Ang mga benepisyaryo ay mga rehistradong magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na may 2.01 hanggang 3.00 ektaryang lupang sakahan at gumagamit ng mga makinarya tulad ng traktora at water pump.
Layunin ng naturang programa na matulungan ang mga magsasaka sa kanilang gastusin sa gasolina at mapanatiling produktibo ang kanilang pagsasaka sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa FAFP Focal Person Engr. Arwen Lacanilao, ang pamamahaging ito ay bahagi ng patuloy na implementasyon ng Fuel Assistance Program sa iba’t ibang lalawigan ng Central Luzon.
“Ang fuel assistance caravan ay idinisenyo upang mas mapabilis ang proseso ng pamamahagi at agad na matanggap ng mga magsasaka ang kanilang fuel assistance cards sa loob ng araw ng aktibidad.,” sambit ni Focal Person Lacanilao.
Ang pamamahagi ng fuel assistance ay magpapatuloy pa sa iba pang mga munisipalidad sa rehiyon ng Gitnang Luzon sa mga susunod na araw, bilang bahagi ng tuluy-tuloy na pagtulong ng kagawaran upang masiguro na lahat ng kwalipikadong magsasaka ay makinabang sa programang ito.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangPagsulong









