Pormal nang inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO III) ang GRAINS o Growing Resilient Agri Enterprises through Innovation and Networking towards Sustainability Technology Business Incubator (GRAINS TBI) Program nitong ika-15 ng Nobyembre sa Research Outreach Station for Lowland Development, Paraiso, Tarlac.

Layunin ng programang ito na suportahan ang mga agri-negosyante sa rehiyon sa pagtatayo ng makabago at sustenableng agri-negosyo gamit ang mga teknolohiyang pang-agrikultura.

Bilang bahagi ng aktibidad, nagbigay ng kanilang mensahe ng suporta ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang institusyon na katuwang ng DA RFO III sa programang ito.

Pinuri nila ang inisyatibo ng DA RFO III sa paglulunsad ng programang tutulong sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura sa rehiyon. Binanggit din nila ang kanilang pangako sa pakikipagtulungan para sa mas matagumpay na implementasyon ng GRAINS TBI.

Sa pamamagitan ni DA-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) Knowledge Management and Information Division Assistant Head Evelyn Juanillo, naiparating ang mensahe ni DA-BAR Director Dr. Junel B. Soriano. Aniya, ang paglulunsad ng GRAINS TBI Program ay mahalagang hakbang sa pagpapalaganap ng inobasyon, pagpapalago ng mga negosyo, at pagsulong ng agrikultura.

“By providing funding resources and strategic guidance to the program we aim to nurture a new generation of agripreneurs who are not only equipped with technical expertise but also in the business understanding needed to thrive in a competitive market,” dagdag pa nito.

Hinikayat naman ni OIC-Regional Technical Director for Research, Regulations, and Integrated Laboratories Dr. Irene M. Adion ang mga dumalo na aktibong itaguyod ang GRAINS TBI at ipinahayag niya dedikasyon ng ahensya sa pagsuporta sa iba pang mga TBI.

Kasama rin sa programa ang opisyal na paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) at Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DA RFO III at mga katuwang na institusyon. Ang mga kasunduang ito ay naglalayong magbigay ng pagsasanay, teknikal na suporta, at iba pang serbisyong kinakailangan para sa tagumpay ng mga benepisyaryo ng programa.

Nagkaroon din ng pagbisita sa pasilidad ng GRAINS TBI para sa mga magsasaka at Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) na interesadong maging incubatees. Naipakita rito ang pasilidad at ang mga teknolohiyang magagamit sa pagbuo ng mga produktibong negosyo sa agrikultura.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong