Isinagawa ang ground breaking ceremony at blessing ng itatayong 20,000 Bags Capacity Onion Cold Storage sa Brgy. San Vicente, Laur, Nueva Ecija nitong ika-16 ng Marso.

Ang nasabing pasilidad ay ipagkakaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) sa San Vicente Alintutuan Irrigators Association. Ito ay nagkakahalaga ng mahigit PhP 40-milyon sa ilalim ng FY 2023 regular fund ng HVCDP.

Magsisilbi itong imbakan ng mga aning sibuyas ng mga miyembro ng San Vicente Alintutuan Irrigators Association at maging ng ibang magsasaka sa kanilang bayan. Mapapanatili nito ang kalidad ng kanilang aning sibuyas, mapahaba ang shelf-life at maiwasan ang mabilis na pagkasira ng mga ito.

Pahayag ni DA RFO 3 Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. na ang ground breaking na ito ay hudyat ng pagpapatayo ng pasilidad na pakikinabangan ng mga magsasaka ng sibuyas ng Laur. Aniya sila ay pinagpala dahil isa sila sa tatlong bayang napili upang pagkalooban nito.

“Hindi lang po ito ang inyong matatanggap. May kasunod pa po ito pagkatapos maitayo ng cold storage. Sagot din po ng HVCDP ang paglalagyan niyo ng sibuyas, ‘yung mga crate. Aside from the building itself ay mayroon pa po tayong ibibigay na suporta.”, dagdag pa nito.

Labis naman ang pasasalamat ng mga miyembro ng asosasyon sa pamamagitan ng mensaheng ibinahagi ng kanilang tagapangulo na si Erwin De Guzman.

Dinaluhan din ang aktibidad nina Municipal Mayor Hon. Atty. Christopher Daus, HVCDP Central Office Project Development Officer IV Jose Jeffrey Rodriguez, DA RFO 3 Field Operations Division Chief Elma Mananes, Regional HVCDP Focal Person Engr. AB David, Agricultural Program Coordinating Officer ng District III and IV ng Nueva Ecija June Lacasandile, Provincial Agriculturist Bernardo Valdez, Municipal Agriculturist Alvin Agbayani, at iba pang mga opisyales ng lokal na pamahalaan.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon