Isinagawa ang isang makasaysayang groundbreaking ceremony ng isang Legislated Multi-Purpose Marine Hatchery sa Brgy. Quinawan, Bagac, Bataan nitong ika-26 ng Enero.
Ang seremonya ay pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pamumuno ni BFAR Region 3 Regional Director Wilfredo Cruz bilang kinatawan ni BFAR National Director Atty. Demosthenes R. Escoto.
Ang nasabing proyekto ay naging posible sa pamamagitan ng Republic Act 11912 o “An Act Establishing a Multi-Species Marine Hatchery in the Municipality of Bagac,Bataan.”
Sa mensahe ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ibinahagi ni DA RFO 3 Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr., kaniyang pinasalamatan ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan, lokal na pamahalaan ng Bagac, BFAR, at DENR-CENRO sa kanilang kooperasyon sa inisyatibang ito.
Binanggit din niya ang mahalagang papel ng SHAREMAX Holdings Inc. sa pagbibigay ng isang ektaryang lupa para sa pagtatatag ng hatchery.
Ang mahigit 30-milyong pisong proyektong ito ay naglalayong mapabuti ang kakayahan ng mga operator ng aquafarm sa Bataan na tugunan ang pangangailangan sa binhi ng isda. Inaasahan na ang hatchery ay magiging pangunahing pinagmumulan ng milkfish fry, seabass fry, at giant freshwater prawn or ulang seedstocks, at iba pang high value species gaya ng pompano, grouper, at red snapper.
Magtatampok din ang hatchery ng mga environmentally friendly operations at bagong teknolohiya tulad ng hybrid design solar powered equipment, water treatment disposals, at innovated breeding tanks para sa mga bangus. Ang disenyo ng hatchery ay maaaring maging gabay at kontribusyon sa ibang operator sa sektor ng fish hatchery para mapabuti ang produksyon ng binhi ng isda.
Makikilala rin ang hatchery bilang isang on-site training facility na magbibigay ng pagsasanay ukol sa hatchery techniques, fish hatchery management, at mga bagong teknolohiya. Layunin din nito na maging sentro ng pagsasanay para sa mga mag-aaral mula sa mga paaralan at unibersidad sa Bataan.
Matapos ang konstruksiyon, ang BFAR ang mamamahala at magbibigay ng kinakailangang kaalaman at kasanayan sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos nito, sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement, ang pasilidad at pamamahala ay ililipat sa pamahalaang panlalawigan at pamahalaang bayan.
Naging bahagi rin ng seremonya sina Governor Jose Enrique Garcia III, Vice Governor Maria Christina Garcia, Mayor Rommel Del Rosario, at iba pang opisyales ng pamahalaang panlalawigan at bayan ng Bataan.