Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka Francisco Tiu Laurel Jr. ang isinagawang Groundbreaking Ceremony para sa isang multi-bilyong pisong pasilidad na itatayo sa pakikipagtulungan ng Korea Agricultural Machinery Industry Complex (KAMIC), at ang Turnover ng mga Interbensyon ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa mga magsasaka ng Gitnang Luzon.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Department of Agriculture – Regional Field Office III (DA-RFO III), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech), Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative (KAMICO), Fit Korea Trading Inc., at ng Pamahalaang Panlungsod ng Cabanatuan, at ginanap noong ika-10 ng Disyembre 2025.
Layunin ng itatayong pasilidad na higit pang palakasin ang lalawigan ng Nueva Ecija bilang sentro ng mekanisasyon at makabagong pagsasaka sa bansa sa pamamagitan ng multi-phase na plano ng KAMIC na magtayo ng isang manufacturing complex sa lalawigan.
Ang pasilidad ay may kabuuang lawak na 20 ektarya at itatayo sa Barangay Kalikid Sur. Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng manufacturing complex sa taong 2026 at inaasahang tatagal ng siyam (9) na taon, na isasagawa sa tatlong yugto: semi knock-down assembly, complete knock-down assembly, at full manufacturing assembly.
Kasabay ng isinagawang Groundbreaking Ceremony ang pamamahagi ng mga interbensyon mula sa Kagawaran ng Pagsasaka, kung saan nakatanggap ang labing-isang (11) Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) at pitong (7) Local Government Unit (LGU) beneficiaries ng 22,103 bag ng hybrid seeds, 22,103 bag ng 21-0-0, 23,103 kilo ng powdered foliar fertilizer, 44,206 litro ng liquid foliar fertilizer, tatlong (3) mechanical planter, limang (5) four-wheel drive tractor, dalawang (2) hand tractor, at isang (1) combine harvester, na may kabuuang labing-isang (11) yunit ng makinaryang pansakahan.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong








