Kamakailan ay nakibahagi si Francisco Tiu Laurel Jr., Kalihim ng Department of Agriculture, sa isinagawang Harvest Festival kasama si Eduardo L. Lapuz Jr., Regional Executive Director ng naturang ahensya. Ang nasabing gawain ay ginanap noong ika-8 ng Abril 2026 sa sakahan ni Danilo Bolos sa Santa Rosa, Nueva Ecija.
Sa naturang okasyon, ibinahagi ni Bolos ang kaniyang mga pamamaraan sa pagsasaka, mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa pag-aani ng palay. Ayon sa kaniya, nagsisimula ang kaniyang sistema sa pagpupunla, kung saan gumagamit siya ng 25 kilo ng binhi kada ektarya, mas mataas kumpara sa karaniwang 15 kilo na inirerekomenda ng mga teknisyan. Naniniwala siya na ang mas mataas na seeding density ay nakatutulong sa pagpapataas ng potensyal na ani sa mga unang yugto ng pagtatanim.
Para naman sa paghahanda ng seedbed, gumagamit siya ng ammonium sulfate, na sinusundan ng paglalagay ng nitrogen at balanseng pataba tulad ng 16-16-8 o 14-14-14 upang masuportahan ang paglago ng halaman at pag-unlad ng ugat.
Dagdag pa rito, isa sa mga natatanging pamamaraan ni Bolos ay ang paggamit ng fish amino acid. Isinasagawa niya ito nang labindalawang beses sa buong crop cycle, nang hindi gumagamit ng anumang pesticide o herbicide sa kaniyang sakahan.
Ayon pa kay Bolos, dahil sa kaniyang makabagong pamamaraan, naibenta niya ang kaniyang ani sa halagang dalawampu’t anim na piso kada kilo.
Samantala, tinatayang nasa sampung piso kada kilo lamang ang kaniyang production cost, kung saan mas mababa kumpara sa karaniwang labing-apat na piso kada kilo sa Nueva Ecija.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong






