Matagumpay na isinagawa noong ika-30 ng Abril 2026 ang pamamahagi ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) para sa mga benepisyaryo mula sa Unang Distrito ng Bulacan, kabilang ang mga bayan ng Malolos, Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Paombong, at Pulilan.

 

Dinaluhan ang naturang aktibidad ng 2,295 na magsasaka na kabilang sa mga benepisyaryo ng programa. Bahagi ito ng inisyatiba ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mahigit 4.17 milyong magsasaka at mangingisda sa buong bansa sa ilalim ng pondong nagkakahalaga ng ₱10 bilyon.

 

Sa ilalim ng programa, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga

magsasaka at mangingisda na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Ang mga magsasakang nagtatanim ng

palay ay dapat may sinasakang hindi hihigit sa dalawang ektarya. Kabilang din ang mga magsasaka ng mais at tubo na rehistrado sa RSBSA. Samantala, ang mga mangingisda ay dapat rehistrado sa RSBSA-BoatR. Lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap

ng halagang P2,325 bilang tulong upang maibsan ang epekto ng tumataas na gastos sa produksyon dulot ng krisis, partikular sa pagtaas ng presyo ng krudo.

 

Ang PAFFP ay naglalayong magbigay ng agarang ginhawa sa sektor ng agrikultura at pangisdaan na patuloy na humaharap sa hamon ng mataas na gastos sa produksyon.

 

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong