Ikatlong Technical Briefing ng BP2 sa Gitnang Luzon, umarangkada na
Nagsagawa muli ng Technical Briefing ang Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon (DA) patungkol sa nalalapit na implementasyon ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Program nito lamang ika-27 ng Hulyo sa Benigno Aquino Hall, Capitol Compound, San Fernando City, Pampanga.
Ang nasabing aktibidad ay may layuning makalap ang mga kakailanganing kabuhayang pang-agrikultura ng mga magsasaka at mga mangingisda sa Gitnang Luzon na apektado ng vulnerability climate hazard o mga nakaranas ng pagkalugi sa kanilang kabuhayan dulot ng mga ‘di inaasahang sakuna at maitala ang mga nasabing kabuhayan na maaaring mabigyang pondo ng nasabing programa.
Sa ilalim ng Executive Order 114 o BP2 Program ang adhikain ng gobyerno ay magkaroon ng balanseng pag-angat sa lahat ng rehiyon, masiguro ang kaginhawaan sa mga pook kanayunan at mapainam ang mga inisyatibo tungo sa pagkamit ng matatag at malagong komunidad.
Kabilang sa mga naitalang livelihood project na maaaring maipagkaloob sa mga benepisyaryo ay ang mushroom production, duck production, goat raising, community gardening, chicken production, goat raising at iba marami pang iba.
Pinangasiwaan ng Institutional Development Unit ng DA Region 3 ang nasabing aktibidad sa pangunguna ng kanilang Chief na si Evelyn C. Fernando na dinaluhan naman ng mga Local Government Unit representatives, Municipal Agriculturists at mga magsasaka sa lalawigan ng Pampanga.
Nauna nang inilunsad ang aktibidad sa mga probinsya ng Nueva Ecija at Aurora na inaasahan pang patuloy ang pagsasagawa nito sa mga natitirang probinsya sa Gitnang Luzon.