Pinaiigting Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon at Bureau of Animal Industry – National African Swine Fever (ASF) Prevention and Control Program ng isang information caravan ngayong araw, ika-12 ng Oktubre sa Natividad Covered Court, Guagua, Pampanga. Nasa 50 magbababoy ang dumalo sa nasabing aktibidad na may layuning makapagbigay dagdag-kaalaman sa tamang pag-aalaga ng baboy.Sa naging mensahe ni Vice Mayor Jun Lim, malaking tulong ‘di umano ang malalaman ng hog-raisers mula rito.
“Nagpapasalamat po kami, maswerte kaming pumunta kayo rito upang magbahagi ng impormasyon. Buo ang suporta ng aming munisipyo sa programang pang-agrikultura,” sambit niya. Naging matagumpay ang caravan sa tulong ng Philippine Crop Insurance Corporation, Provincial Veterinary Office, Lokal na Pamahalaan ng Guagua at Municipal Agriculture Office. Isa si Francis Santos mula sa San Juan Nepomuceno, Guagua sa lumahok sa info caravan.
Aniya, natutunan niya rito ang mga hakbangin sa pag-iwas at pagkontrol ng ASF. “Maganda ‘tong activity, sigurado kung walang programang ganito, mag-iisip lang kami ng haka-haka o manghuhula kung anong dapat gawin patungkol sa ASF,” pahayag ni Santos. Ilan sa mga tinalakay na paksa ay ang kasalukuyang estado ng ASF sa lugar, mga kadalasang itinatanong tungkol sa ASF, biosecurity para sa hog-raisers at pagpaparehistro sa PCIC Insurance.
#DACentralLuzonKatuwangSaPagAhon