Pormal na pinasinayaan ang isang Climate-Controlled Swine Housing Facility na iginawad ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon sa Tarlac United Methodist Agriculture Cooperative (TUMACo) noong ika-10 ng Mayo sa Brgy. Mapalad, Tarlac City.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng inisyatibang itinataguyod ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) project ng Livestock Program ng DA. Layunin nito ang pagpapalakas at pagpapalawak ng industriya ng produksyon ng baboy upang makamit ang mas malawakang kaunlaran sa sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga pasilidad ng proyekto ang isang perimeter fence upang tiyakin ang seguridad, climate-controlled housing, feed warehouse, opisina para sa administratibong gawain, at shower area.
Ang nasabing pasilidad ay may sukat na hindi kukulangin sa 2,000 square meters at may kabuuang halaga na Php 10-milyon. Sa nasabing sukat, maaaring magkaroon ng tirahan ang 300 na baboy.
Bukod dito, bilang bahagi ng pagtanggap ng TUMACo sa INSPIRE Project, sila ay makatatanggap din ng 300 piglets na may kasamang feeds na kanilang kakailanganin upang magsimula sa kanilang produksyon ng baboy.
Ipinahayag naman ng Chairperson ng TUMACo na si Ariston Cosme, ang kaniyang pasasalamat sa DA at sa INSPIRE Project sa paggawad sa kanila ng proyektong ito.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon