Ang rabies ay nakamamatay na sakit na dulot ng virus na kumakalat sa pamamagitan ng laway ng hayop na may impeksiyon nito. Naipapasa ito kapag nakagat nito ang isang tao o ibang hayop.
Ayon sa Department of Health, ang rabies ay karaniwan sa Pilipinas at isa itong alalahanin sa kalusugang pampubliko. Batay sa kanilang tala, tumaas ang kaso ng rabies ng 13.5% mula sa taong 2009 hanggang 2018 at ang Rehiyon 3, 4-A, 5 at 12 naman ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso.
Bagamat lubhang nakababahala ang sakit na ito, maaari naman itong maiwasan. Isa sa mga istratehiya na ginagawa ng Department of Agriculture sa tulong ng Department of Health ay ang pagpapaigting ng pagbabakuna ng mga aso. Kaya naman sa lungsod ng Meycauayan, Bulacan, ito ay masidhi nilang ipinapatupad sa pangunguna ng kanilang City Veterinarian na si Dr. Imelda Arguelles.
Si Dr. Arguelles ang City Veterinarian ng Meycauayan, Bulacan simula pa nang maitatag ang kanilang City Veterinary Office noong 2008. Sa kaniyang pamumuno, sinimulan nila ang kanilang Anti-Rabies Program sa taong din yaon. Aniya ay medyo mahirap sa simula dahil sa kakulangan ng pondo at manggagawa ngunit kalauna’y unti-unti silang nagkaroon ng budget allocation para sa implementasyon ng kanilang programa sa tulong ng Department of Agricuture at Provincial Veterinary Office.
Batay sa kanilang ordinansa, mandato ng lungsod na dapat lahat ng aso ay bakunado subalit naging hamon ang panghihikayat sa mga pet owner na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop.
“Noong una ay medyo nag-aalangan po sila sa pagpapabakuna. Kasi marami silang haka-haka sa isip nila pero unti-unti po nabura namin ‘yung paniniwala nila. Sa katunayan nga po, dagsa po ang aming mga pet owners na nagpapabakuna sa tuwing mayroon kaming vaccination sa mga barangay,” ayon kay Dr. Arguelles.
Ang implementasyon ng kanilang programa laban sa rabies ay nakahanay sa pandaigdigang balangkas na tinatawag na STOP-R framework. Ito ay may limang haligi na naglalayong mabawasan ang kaso ng rabies sa mga bansang umaakma nito. Binubuo ng Socio-Cultural, Technical, Organizational, Political at Resources ang limang haligi na ito.
Sa Socio-Cultural, sila ay nagpapamigay sa mga barangay ng mga IEC materials na naglalaman ng kaukulang impormasyon sa rabies gaya ng pamphlets at tarpaulins sa tulong ng kanilang City Information and Relations Office. Mayroon din silang communication campaign kung saan sila ay naglulunsad ng “rabies awareness seminar at responsible pet ownership” sa mga paaralan, women’s groups at iba pang organisasyon upang magbigay kaalaman at kamalayaan kaugnay ng rabies.
Pagdating naman sa Technical na haligi, rito nakapaloob ang kanilang implementasyon ng pagbabakuna sa mga hayop lalo na sa mga aso. Ginagamitan nila ito ng Risk-Based approach na kung saan inuuna nila ang pagbabakuna sa mga barangay na may positibong kaso ng animal rabies. Isa sa mga istratehiya nila sa pagbabakuna ay ang pakikipag-ugnayan nila sa iba’t ibang pribado at socio-civic groups.
“Isa pa pong part ng Technical ay yung management po namin ng stray dogs. Mauroon po kaming dog pound dito sa Meycauayan. Regular po ang aming impounding operations,” dagdag pa ni Dr. Arguelles.
Sa nakaraang apat na taon, sila rin ay nakapagsagawa na ng libreng spay and castration na karaniwang para sa mga pusa, katuwang ang Philippine Pet Birth Control Foundation at City of San Jose.
Pagdating ng taong 2020, naging hamon sa implementasyon ng kanilang programa ang banta na dala ng pandemya ngunit sa kabila nito ay ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang mabuting hangarin para sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocol tuwing isinasagawa nila ang kanilang mga aktibidad.
Para naman sa Organizational na haligi, base sa kanilang ordinansa, sila ay bubuo ng Barangay Anti-Rabies Coordinator or tinatawag nilang BARC. Dito ay magkakaroon ang City Veterinary Office ng coordinator sa bawat barangay.
Kasabay nito, magsasagawa rin sila ng mga seminar para sa mga barangay impounding team ayon kay Dr. Arguelles. “Marami po kasing mga barangay po rito ang gustong mag-conduct ng impounding sa mga lugar po nila. Subalit kailangan po munang dumaan sila ng seminar, actual training at kailangan din pong bakunado muna po ‘yung mga taong aakto bilang dog catchers po,” paliwanag nito.
Para sa Political, ibinahagi ni Dr. Arguelles na napakapalad ng lungsod nila dahil mayroon silang suporta mula sa kanilang lokal na ehekutibo. Aniya mahihirapan silang umaksiyon kung wala ang suporta para sa kanilang tanggapan.
Kabilang din sa Political ang mga ordinansa na kanilang naipasa na naglalayong maging responsableng pet owners ang mga mamamayan ng Meycauayan.
Pagdating sa huling haligi na Resources, nakapaloob dito ang budget allotment nila taon-taon para sa kanilang programa. Simula sa taong 2017 ay nadagdagan ang kanilang budget kaya naman hindi naging mahirap para sa kanila ang pagbili ng mga bakuna, bukod pa rito ang tulong na natatanggap nila mula sa kanila Provincial Veterinary Office.
Ang kampanya ng lungsod ng Meycauayan laban sa rabies ay labis na sinusuportahan ngayon ng mga mamamayan nito.
Patunay ang tagumpay ng kanilang programa sa pagkilala sa kanilang lungsod bilang isa sa mga best rabies program implementers noong 2019 na isang napakalaking karangalan para sa kanila. Lubos naman ang pasasalamat ni Dr. Arguelles sa lahat ng taong patuloy na sumusuporta sa kanilang kampanya sa pagsugpo sa rabies. “Nagpapasalamat din po ako sa Department of Agriculture sa Regional Field Office III para sa mga ayuda na natatanggap po ng aming lungsod. ‘Yun pong mga bakuna, anti-rabies vaccines, ‘yun pong mga seminar at iba pa pong kaalaman na ipinapaalam po nila sa amin. Ganun din po ‘yung mga assistance po sa pag-check po ng mga specimen. Kaya maraming salamat po sa Department of Agriculture – Regional Field Office III,” pasalamat ni Dr. Arguelles.