Proyekto na “Assessment and Documentation of Organic Farming Practices of Selected Indigenous Cultural Communities in Central Luzon,” pormal na pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA).
Ang pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon at ng National Commission on Indigenous Peoples, kasama ang Katutubong Pamayanang Egongot ng Barangay Bayanihan, ay pormal na pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Agreement noong ika-7 ng Agosto, 2024 sa Barangay Bayanihan, Maria Aurora, Aurora.
Dumalo sa seremonya sina Dr. Irene M. Adion, OIC RTD for Research, Regulations, and Integrated Laboratories ng DA-RFO III; Atty. Grail Brioso, Provincial Legal Officer ng National Commission on Indigenous Peoples sa Lalawigan ng Aurora; mga miyembro ng Ilongot Tribe na pinangunahan ni Chieftain Matan E. Caanawan; at mga manggagawa ng DA-RFO III Research Division.
Layunin ng proyekto na suriin at idokumento ang mga pamamaraan ng organikong pagsasaka ng mga katutubong pamayanan sa tatlong probinsiya ng Gitnang Luzon upang makatulong sa pagpapabuti ng mga plano at programa para sa organikong agrikultura at suportahan ang paggamit ng mga lokal na mapagkukunan.
Nagsagawa din ng katulad na mga aktibidad sa San Marcelino, Zambales at Carranglan, Nueva Ecija kasama ang mga tribong Kalanguya at Ayta Sambal noong Hunyo 11 at Hulyo 9 ng 2024, ayon sa pagkakabanggit. Ang proyekto ay pinondohan ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research at inaasahang makukumpleto sa Pebrero 2025.