Idinaos ang 38th Annual Consultative Meeting and Continuing Education ng Japan Overseas Cooperation Volunteers-Philippine Animal Science Association, Inc. (JOCV-PASA) mula ika-19 hanggang 21 ng Mayo sa Bren Z. Guiao Multi-Purpose Hall ng Pampanga State Agricultural University sa Magalang, Pampanga.

May temang “Empowering Farmers and Extension Workers for Sustainable Livestock Excellence and Industry Growth,” nagsilbing lunsaran ang aktibidad para sa talakayan hinggil sa mga napapanahong usapin, pananaliksik, teknolohiya, at mga inobasyon na may kaugnayan sa pagpapaunlad ng sektor ng livestock at poultry sa bansa.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa Kagawaran ng Pagsasaka (DA), Japan International Cooperation Agency (JICA), iba’t ibang national government agencies, local government units, akademya, researchers, extension workers, at iba pang stakeholders mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na may kaugnayan sa animal science at livestock industry.

Sa mensahe ni DA Assistant Secretary for Ruminants Livestock Dr. Benjamin C. Albarece, binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng mga magsasaka at extension workers sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at livestock industry.

Ayon kay Asec. Albarece, nagsisilbing tulay ang mga extension workers upang maisalin sa mga praktikal na aplikasyon sa komunidad ang mga makabagong kaalaman, teknolohiya, at resulta ng pananaliksik para sa pagpapahusay ng produksyon ng hayop at kabuhayan ng mga magsasaka. Binigyang-diin din nito ang patuloy na pakikipagtulungan ng DA sa iba’t ibang sektor upang matugunan ang mga hamon sa industriya at mapalawak ang kaalaman ng mga livestock practitioners.

Kabilang sa mga naging bahagi ng programa ang opening ceremonies, keynote address, pagkilala sa mga artificial insemination technicians, at serye ng technical sessions na tumalakay sa smart agriculture, sustainable native animal conservation, mobile technology para sa broiler productivity at health monitoring, buffalo upgrading programs, at pag-aaral hinggil sa genetic adaptation ng native goats sa heat stress.

Nagsagawa rin ng business meeting ang samahan kung saan tinalakay ang mga ulat ng organisasyon, mga usaping pang-administratibo, at eleksyon ng bagong hanay ng mga opisyal ng JOCV-PASA.

Bilang bahagi ng huling araw ng aktibidad, nagsagawa ang mga kalahok ng agri-eco tour sa RSRH Livestock Corporation at VICTA Ranch sa Pampanga upang makita at mapag-aralan ang iba’t ibang livestock production practices at technologies na ginagamit sa industriya.

Patuloy namang isinusulong ng JOCV-PASA, katuwang ang iba’t ibang ahensya at institusyon, ang pagpapalakas ng ugnayan, pagpapalitan ng kaalaman, at pagsusulong ng mga programang makatutulong sa pag-unlad ng livestock sector sa bansa.

‎#BagongPilipinas

‎#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong