KADIWA ng Gitnang Luzon, nagbagsak ng mga gulay at bigas sa Benguet
Ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO3) sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ay nagbagsak ng mga saku-sakong bigas at sari saring gulay sa lalawigan ng Benguet nitong ika-2 hanga ika-4 na araw ng Agosto.
Sa pakikipag-ugnayan ng Senior Agriculturist ng DA-RFO 3 na si Menchie Nogoy sa DA RFO CAR -AMAD, nakapaghatid sila ng iba-ibang mga aning produkto ng mga magsasaka ng Gitnang Luzon tulad ng gulay pinakbet, kalamansi, mais, sibuyas, bawang at iba pa.
Kabilang sa mga grupo ng mga magsasaka na katulong sa paghahatid ng mura at masustansyang pagkain sa mga mamimili ay ang Javin Integrated Farm na kasama sa binuong Central Luzon KADIWA Association (CLKA).
Ang Central Luzon KADIWA Association (CLKA) ay isang nabuong organisasyong kinabibilangan ng mga Farmer’s Cooperatives and Associations (FCAs) at Small-Medium Enterprises (SMEs) ng Ikatlong Rehiyon at ang tanging KADIWA Association na registered sa Securities and Exchange Commission.
Kasabay nito ay ang pagdadala din ng panindang gulay, bigas at iba’t-ibang marine products sa Quezon City at Caloocan City nitong araw ng Martes hanggang Miyerkules (Agosto 3-4) na nakapagbibigay ng murang presyuhan sa merkado.
Maliban dito, magpapasok din ang Central Luzon KADIWA Association ng suplay ng kalakal pang-agrikultura simula sa darating na Huwebes, ika-5 ng Agosto sa Metro Manila bilang paghahanda sa muling pagpapasailalim nito sa Enhanced Community Quarantine (ECQ). Ito ay upang masigurong sapat ang suplay ng pagkain sa National Capital Region o NCR.