Sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng Kagawaran ng Pagsasaka para Gitnang Luzon, isinagawa ang isang convergence meeting nitong ika-6 ng Pebrero sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 3 kaugnay ng paglulunsad ng programang Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa ikatlong rehiyon.
Ang nasabing pulong ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa Gitnang Luzon at mga lalawigan nito. Kabilang dito ang mga kinatawan mula sa regional at provincial office ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), National Food Authority (NFA), at BFAR. Kasama rin sa pagpupulong ang mga provincial agriculturist at provincial agribusiness coordinator ng mga lalawigan.
Ang KNP ay isang programa na naglalayong magtaguyod ng kooperasyon at koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Layunin ng kanilang kolektibong pagtutulungan na mapalakas ang kakayahan ng programa na maiparating ang mga ani ng mga magsasaka nang direkta sa mga mamimili sa abot-kayang halaga.
Naging bahagi ng nasabing pagtitipon ang pagtalakay at pagpapaliwanag sa mga aspeto ng KNP na ilulunsad sa bawat lalawigan ng rehiyon. Nagkaroon din ng mga diskurso at palitan ng mga suhestiyon upang mapabuti ang pagsasagawa ng programa.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon