Isang Kadiwa Store sa Dairy Box ang binuksan noong ika-17 ng Hulyo sa Tala Street Common Terminal, San Ramon, Dinalupihan, Bataan.

Inilunsad ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture – Regional Field Office 3 (DA-RFO 3) at ng Philippine Carabao Center (PCC), na may layuning mas mapalapit ang de-kalidad at abot-kayang produkto ng mga magsasaka sa mga mamimili.

Ito ang isa sa mga kauna-unahang binuksan na Kadiwa Store sa Dairy Box sa Gitnang Luzon.

Binigyang-diin ni Chairperson Jose De Leon ng Makabagong Magsasaka ng Dinalupihan Marketing Cooperative, na siyang operator ng KADIWA Store, ang kahalagahan ng programa sa kanilang kooperatiba.

Aniya, malaking tulong ito upang madagdagan ang kita ng kanilang mga kasaping magsasaka habang natutugunan ang pangangailangan ng mga mamimili sa mas mura at sariwang produkto.

Batay sa nilagdaang Memorandum of Agreement, tinukoy ng DA ang Dairy Box bilang isang strategic location na maaaring magsilbing KADIWA Center upang mapalawak ang abot ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) Program.

Isa sa mga pangunahing alituntunin nito ay ang pagtitiyak na 60% ng mga produkto sa Dairy Box ay mula sa kalabaw, kabilang ang gatas, keso, at iba pang pagkain o non-food items, habang ang natitirang 40% ay iba pang produktong agricultural.

Kabilang din sa aktibidad ang paglulunsad ng “Benteng Bigas Meron Na” – isang inisyatibo na naglalayong maghatid ng abot-kayang bigas sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na may mataas na demand sa pangunahing produktong ito.

Nakasaad din sa kasunduan na ang PCC ang mangunguna sa pagsigurong rehistrado sa Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS) ang mga kooperatibang namamahala sa Dairy Box – KADIWA Centers, at kinikilala bilang mga supplier o konsolidator ng KNP Program.

Ang pagbubukas ng KADIWA Store sa Dinalupihan ay inaasahang magdudulot ng mas matatag na kabuhayan para sa mga lokal na magsasaka at mas malawak na access sa mas murang pagkain para sa mamamayan, bilang tugon sa patuloy na layunin ng pamahalaan na mapatatag ang sektor ng agrikultura at matugunan ang seguridad sa pagkain.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong