Matagumpay na pinasinayanan ang Distribution of Duck Feeds sa inisyatibo ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon na pinangunahan naman ni DA Undersecretary for Livestock Constante J. Palabrica sa pakikipagtulungan sa Lokal na Pamahalaan (LGU) ng Candaba, noong ika-9 ng Hulyo, 2025 sa Brgy. Bahay Pari, Candaba, Pampanga.

Ang programang ito mula sa Kagawaran ay isang inisyatiba upang suportahan ang tuloy-tuloy na paglago at tiyakin ang patuloy na produktibidad ng industriya ng itik na makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga lokal na duck raisers sa ikaapat na Distrito ng Pampanga, partikular sa industriya ng itik.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing programa sina DA Regional Executive Director Eduardo L. Lapuz Jr., Pampanga 4th District Congreswoman Anna York P. Bondoc, at 917 na duck raisers mula sa bayan ng Candaba, San Luis, Apalit, at San Simon.

Ang mga ipinamahaging feeds ay may kabuuhang alokasyon na 12,275 bags at may kabuuang halaga na ₱ 24, 550, 000. Ang bawat benepisyaryo ay kinakailangang RSBSA registered at makapagpresinta ng voucher upang makakuha ng libreng duck feeds mula sa pamahalaan, na siyang magsisilbing pagkakakilanlan na sila ay isang poultry raiser.

Kasunod nito, nagbigay ng isang mensahe ng pasasalamat ang isa sa mga duck feed beneficiary na si Patrick Anthony Adams.

“Malaking tipid siya, imbis na bibili ka na hindi ka muna bibili kasi binigyan tayo ng ating gobyerno ng feeds. Sana magtuloy tuloy yung mga gantong programa para sa mga katulad kong mag-iitik at sa mga magsasaka” wika ni Adams.

Nagsagawa rin ng feed inspection si Usec. Palabrica upang tiyaking ligtas ang mga ipamamahaging feeds at maiwasan ang pagkalat ng Avian Influenza Virus, isang hakbang upang mapanatiling malusog at malakas ang estado ng industriya ng itik sa Gitnang Luzon.

Samantala, ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA) naitala ang Pampanga bilang nangungunang probinsya para sa produksyon ng itik sa Pilipinas kung saan nakapag-produce 2.56 thousand metrikong tonelada noong taong 2023.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong