Matagumpay na naisakatuparan ang tatlong araw na pagsasanay sa Livestock Economic Enterprise Development o LEED para sa Goat and Sheep Production ang mga Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) at mga kinatawan mula sa Local Government Units (LGUs) na makakatanggap mula sa programa. Ang pagsasanay ay pinangunahan ng Livestock Banner Program ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) Gitnang Luzon na ginanap sa Savannah Hotel and Resort Angeles City, Pampanga simula ika-19 hanggang ika-21 ng Agosto na nilahukan ng mahigit 50 indibidwal na binubuo ng iba’t ibang FCAs at LGU representuatives.

Ang LEED ay isang inisyatibo ng DA na nakatuon sa pagsuporta at pagpapaunlad ng industriya ng hayop at manukan upang mapataas ang kita ng mga maliliit na magsasaka. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga livestock at poultry modules bilang grant (o tulong na hindi kailangang bayaran), kasama na rin ang teknikal na tulong para sa mga kwalipikadong FCAs at LGUs. Sa mensahe ni Regional Technical Director for Operations and Extension Arthur Dayrit, Ph.D., binanggit nito na ang pagsasanay ay ginawa upang mas lalo pang madagdagan ang kaalaman ng mga livestock raisers sa scientific way ng pag-aalaga.

Sa unang araw, ibinahagi sa pagsasanay ang mga programa at intebensyon sa small ruminants na ipinapamahagi ng DA Livestock Program sa mga magsasaka. Tinuruan din ang mga kalahok sa tamang pagbibigay ng nutrisyon, pakain at breeding management tulad ng Artificial Insemination sa mga alagang tupa at kambing. Sa ikalawang araw ay pinag-usapan ang mga business opportunities at Good Animal Husbandry Practices para sa kambing at tupa.

Sa pagtatapos ng pagsasanay ay nagsagawa ng open forum ukol sa mga LEED at mga documentary requirements ng mga kabilang na FCAs na makakatanggap mula dito.

#BagongPilipinas #DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong