Idinadaos ang isang Lowland Vegetable Derby Harvest Festival sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program at National Urban and Peri-urban Agriculture Program ng Operations and Extension Division nitong ika-3 ng Agosto sa Brgy. Apulid, Paniqui, Tarlac.
Ang Lowland Vegetable derby ay may layuning ipakita sa mga magsasaka ng gulay ang kakayahan sa paglaki at pag-ani ng mga bawat binhing gulay ng iba’t-ibang mga seed campanies sa bansa. Isang magandang paraan din ito upang makapamili ang mga magsasaka ng mga binhing para sa kanila ay pinakamahusay itanim kasabay ng pagkakaroon ng malaking kita.
Nilahukan ito ng walong kumpanya ng binhi at pataba na kinabibilangan ng East-West Seed Co.,Inc.; Ramgo International Corp.; Allied Botanical Corp.; Known You Seed Phil., Inc.; Harbest Agribusiness Corp.; Enviro Scope Synergy Inc.; Thai Phil Advance Agritech Corp.; at Chia Tai Inc. na nagpasiklaban sa kakayahang umani ng kanilang mga pambatong produkto.
Binigyan ang bawat kumpanya ng 1,200 square meters na lupang pagtatamnan ng gulay sa loob ng apat na buwan simula pagtatanim hanggang pag-aani. Bukod dito, tinatayang nasa 36 na mga magsasaka mula sa Mananaman Tamu Farmers Association ng Brgy. Apulid, Paniqui, Tarlac ang nakasali sa derby.
Ilan sa mga gulay na makikita sa festival ay upo, ampalaya, sili, kalabasa, sitaw, okra at kamatis.
Nakiisa sa harvest festival sina DA-Bureau of Plant Industry Assistant Director Herminijilda Gabertan; Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr.; Chief ng Field Operations Division Elma Mananes; HVCDP and NUPAP Focal Person AB P. David; at ang Vice Mayor ng Bayan ng Paniqui Hon. Aida Bien Roxas.
Sa mensahe ni Roxas, nagparating ito ng pasasalamat sa Kagawaran sa inisyatibo nitong derby. Nagbigay din ito ng suporta sa mga magsasakang kanilang nasasakupan ng tutulong ang lokal na pamahalaan sa kanilang mga pangangailangan.
Isang pagpupugay naman at paghihikayat ang naging pahayag ni Director Lapuz para sa mga magsasakang nagsanay at mga kumpanya ng binhing nakilahok sa kontes.
“Tuluy-tuloy po kayo na maging kooperatiba kayo dahil mas Madali pong kumuha ng assistance sa Department of Agriculture at sa iba pang agency kung kayo ay organisado. At sa mga programa po ng gobyerno tulad nito ay sana marami kayong natutunan na tuluy-tuloy po nating implement sa ating pang-araw-araw na pamumuhay para hindi lang po makadagdag sa ating kita kundi makatulong din tayo sa aspiration ng ating pamahalaan na sapat na pagkain at affordable food dito sa ating bansa”, paghihikayat ni Lapuz.
Nagbigay naman ng paalala si Gabertan na nagsilbing panauhing pandangal, nabanggit nito na isang malalang banta ang climate change sa bansa, patuloy na pataas ng populasyon na nagdudulot naman ng unti-unting pagliit na lupang sakahan.
Dagdag pa nito na maliban sa mga magsasaka malaki ang parte ng mga seed companies upang makipagsabayan sa mga problemang ito sa pamamagitan ng mga pananaliksik nang makabuo ng mga barayti na angkop sa panahon.
Pasasalamat naman ng naging Cooperator na si Pacifico Marculeta. Jr.
“Ito po ay sama-samang partisipasyon, trabaho ng bawat isa kaya naging successful po itong lowland vegetable derby na isinagawa po ng Department of Agriculture. Kaya salamat po sa inyong effort at araw-araw na pagpapagod”, ani Marculeta.
Samantala, ayon kay Engr. David ay magkakaroon din ng ibang katulad ng proyekto sa iba’t ibang lugar sa ikalong rehiyon at malalaman ang nanalong seed company sa derby sa ika-7 ng Agosto.