Nagsagawa ang Regional Soils Laboratory (RSL) ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) ng on-site soil analysis gamit ang Soil Test Kit (STK) sa San Miguel, Bulacan nitong ika-14 ng Hulyo.
Ito ang aktibidad ng kanilang tanggapan na Mobile Soils Laboratory na kung saan kanilang ginagamit ang STK upang suriin ang mga kemikal na katangian ng lupa gaya ng pH (acidity/basicity), Nitrogen, Phosphorus, Potassium, at pati na rin ang texture ng lupa.
Ito ay simple at abot-kayang pagsusuri ng lupa nang hindi kinakailangan ng sopistikadong laboratoryo o espesyal na pagsasanay.
Ang pagsusuri ng lupa sa pamamagitan ng STK ay nagbibigay ng agarang patnubay o rekomendasyon sa mga magsasaka kung gaano karami at kung anong uri ng pataba ang naaayon para sa kanilang mga sakahan o taniman upang mas mapataas ang kanilang produksyon.
Sa nasabing aktibidad, 297 soil samples mula sa iba’t ibang sakahan ng palay sa bayan ng San Miguel ang sinuri ng mga tauhan ng RSL kasama si Bulacan Provincial Soils Coordinator Krizzia Mae Galang at sa tulong ni Municipal Soils Coordinator Jessa Tecson.
Nagsagawa na rin ng soil analysis ang RSL sa ibang mga bayan ng Bulacan kabilang ang Sta. Maria, San Jose Del Monte, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Meycauayan, Plaridel, Calumpit, San Ildefonso, at San Rafael pati na rin sa Concepcion at Gerona, sa lalawigan naman ng Tarlac.
Ang programang ito ng DA RFO 3 ay libre para sa lahat ng kwalipikadong magsasaka. Ang mga nais magpasuri ng kanilang lupang taniman ay maaaring dumulog sa kanilang Municipal Agriculture Office at humiling ng tulong upang mabisita ng RSL.