Nakatanggap ng tulong pinansyal ang mahigit 1,400 magsasaka mula sa Floridablanca, Pampanga sa isinagawang payout activity noong Mayo 22 sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) ng Kagawaran ng Pagsasaka – Gitnang Luzon.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng unconditional cash assistance na nagkakahalaga ng ₱2,325 bilang suporta sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa produksyon at iba pang pangangailangan sa pagsasaka.
Sa kabuuan, umabot sa ₱3,410,775 ang naipamahaging ayuda para sa mga magsasaka sa Floridablanca. Samantala, nasa 6,064 na magsasaka na mula sa Ikalawang Distrito ng Pampanga ang nabigyan ng tulong sa kabuuang halagang ₱14,098,800 sa ilalim ng programa.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat sina Noelito Pabalan at Jeanie Baquing sa natanggap na ayuda, na kanilang magagamit sa pagbili ng krudo, binhi, at iba pang gastusin para sa pagtatanim ng palay.
Patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang pagbibigay-suporta sa sektor ng agrikultura upang mapanatili ang matatag na kabuhayan ng mga magsasaka at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain para sa bawat Pilipino.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong


