Matagumpay ang isinagawang 8th Regional Awarding and Recognition ng Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) Certified Farms ng Central Luzon na may temang “Sa ligtas at sapat na pagkain sa merkado, PhilGAP ang katuwang sap ag-unlad ng makabagong Pilipino.” Ginawa ito sa Heroes Hall City of San Fernando, Pampanga nitong ika-5 ng Setyembre sa pangunguna ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon.

Ang PhilGAP ay isang sertipikasyong ipinagkakaloob ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa mga magsasakang inaayos ang kanilang mga kasanayan sa pagsasaka na angkop sa apat na prinsipyo ng programa. Ito ay pagkakaroon ng kaligtasan ng pagkain para hindi makapinsala sa konsyumer; mataas na kalidad ng ani o produkto; pangangalaga at konserbasyon ng kalikasan; at kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mga manggagawa.

Dumalo sa awarding na ito sina High Value Crops Development Program Assistant Secretary Atty. Joycel R. Panlilio; Regional Technical Director for Research, Regulatory at Integrated Laboratory Services Dr. Irene M. Adion; OIC-Assistant Director on Regulatory Services ng BPI na si Roel Gesmundo; Regulatory Division Chief Dr. Xandre Baccay; Regional PhilGAP Focal Person Marilyn Velarde at Program Manager ng Jollibee Group Foundation, Inc. Jan Paulo L. Vicente.

Sa mensahe ni Asec. Panlilio, binanggit nito na ang tinig at puso ng agrikultura ay ang mga PhilGAP Certified Farms dahil kanilang pinahahalagahan hindi lamang ang kalidad ng ani kundi maging ang malasakit at dedikasyon ng mga magsasaka. Pinapatunayan umano ng mga magsasakang sertipikado na kaya nilang itaguyod ang lokal na suplay habang nakakasabay sa pandaigdigang pamantayan.

Tinatayang nasa mahigit 250 sertipikadong sakahan ng PhilGAP ang nabigyan ng pagkilala.

Ibinahagi din ng Sembrano Climate Resilient Agriculture Cooperative at Innova Farm Agriculture Corporation ang kanilang kwento ng tagumpay kung paano napalago ng PhilGAP ang kanilang mga aning produkto at kita. Pareho din silang nagbigay ng taos pusong pasasalamat dahil labis-labis ang kanilang mga natanggap ng tulong mula sa Kagawaran.

Sa huli, siniguro ni Regulatory Division Chief Xandre Baccay na patuloy ang pagsisikap ng Regional GAP Team upang mas maraming sakahan pa ang mabigyan sa sertipikasyong sa Central Luzon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong