Matagumpay na nailunsad ang pangalawang Turnover Ceremony ng 20,000 Bags Capacity Onion Cold Storage Facility sa lalawigan ng Nueva Ecija noong ika-5 ng Marso sa Brgy. Calancuasan Sur, Cuyapo, Nueva Ecija.

Ito ay ipinagkaloob sa Calancuasan Sur Farmers Association ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP).

Sa pagsisimula ng programa, tumungo sina Municipal Mayor Florida Esteban, OIC-Regional Technical Director for Research, Regulations, and Integrated Laboratory Services Dr. Irene Adion, at Calancuasan Sur Farmers Association Chairperson Dante Liberan, sa harap ng cold storage para sa ribbon cutting at cold storage viewing.

Nasa 44 na miyembro ng Calancuasan Sur Farmers Association ang dumalo sa programa at kasama na tumungo sa loob upang masaksihan ang cold storage facility na may kapasidad na 20,000 bags ng sibuyas.

Tinatayang nasa 71 na miyembrong magsasaka ng sibuyas ang bilang ng grupo at kabuuang 60.44 na ektarya naman ang kanilang lupain para sa produksyon ng pula at dilaw na sibuyas.

Samantala, ipinahayag ni Atty. Ferdinand “Luboy” Abesamis, Executive Assistant ng Provincial Governor ng Nueva Ecija, na nakilala at tinaguriang Onion Capital of the Philippines ang lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa marami nitong taniman at aning sibuyas.

Ayon kay Atty. Abesamis, malaki ang benepisyo o pakinabang na maibibigay ng pasilidad sa mga nagsisibuyas sapagkat ang mga istrukturang katulad ng cold storage ay angkop sa pagpapanatili o pagpapahaba sa buhay ng mga sibuyas.

Kabilang din sa mga dumalo sa seremonya ang mga panauhin mula sa Regional Office; Elma Mananes (Chief, Field Operations Division), Engr. AB David (Regional HVCDP and National Urban and Peri-Urban Agriculture Program Focal Person), at Analou Morelos (Agricultural Program Coordinating Officer of Nueva Ecija Districts I and II).

Nasaksihan din ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa lalawigan na sina Lucita Dela Cruz (Head, Agribusiness and Institutional Development), Marry Rose Bautista (Provincial HVCDP Coordinator), Marlon Aleman, Jr. (Provincial HVCDP Report Officer), at Orlando Ramos (Municipal Agriculturist).

Bilang parte ng seremonya, pormal na nilagdaan ng DA RFO 3 at ng asosasyon ang Memorandum of Agreement (MOA) kasabay ng paggawad ng sertipiko para sa Calancuasan Sur Farmers Association.

Lubos naman ang pasasalamat ng Calancuasan Sur Farmers Association Chairperson na si Dante Liberan, kasama ng 44 Calancuasan Sur onion farmers na dumalo sa programa dahil sa ipinagkaloob sa kanilang cold storage facility.

“Sa kinauukulan po, umaasa po kayo na ang ibinigay ninyong proyektong ito ay aming pakaiingatan at palalaguin at sana po hindi pa ito ang huling pagkikita natin, patuloy niyo po sanang suportahan ang aming asosasyon,” sabi ni Chairperson Liberan.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon