Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) ng market visit at compliance inspection sa City Market Plaza, Sto. Rosario, City of San Fernando, Pampanga nitong ika-1 ng Hunyo bilang bahagi ng sabayang market visits sa buong bansa kaugnay ng pagpapatupad ng Executive Order No. 118, Series of 2026.
Isinagawa ang aktibidad upang mamonitor ang pagsunod ng mga rice retailers sa itinakdang mandated price ceiling na ₱50.00 kada kilo para sa 5% broken imported rice, alinsunod sa kautusang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinangunahan ito nina DA-RFO III Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Regional Technical Director for Operations & Extension and AMAD Dr. Arthur D. Dayrit, at Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Carmencita S. Nogoy.
Katuwang din ng DA-RFO III sa isinagawang inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI) Regional at Provincial Office, Regional Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at Bureau of Plant Industry (BPI). Nagbigay rin ng tulong sa pag-iikot ang mga kawani ng City Market Operations Division ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng San Fernando.
Sa isinagawang pag-iikot, tiningnan ng mga kinatawan ng pamahalaan ang mga pwesto ng bigas upang matukoy kung sumusunod ang mga rice retailers sa itinakdang price ceiling para sa saklaw na imported rice.
Bahagi rin ng inspeksyon ang pagpapaalala sa mga nagtitinda hinggil sa wastong pagpapaskil ng presyo at impormasyon ng bigas, alinsunod sa pamantayang itinakda ng DA at DTI.
Ang EO No. 118 ay nagsimulang ipatupad noong ika-13 ng Mayo at epektibo sa buong bansa sa loob ng 30 araw, maliban kung mas maagang alisin batay sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC). Layunin nito na mapigilan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng bigas, maprotektahan ang mga mamimili, at mapanatili ang katatagan ng merkado sa gitna ng mga salik na maaaring makaapekto sa presyo ng pagkain.
Ang price ceiling ay pansamantalang hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas dulot ng global market pressures, kabilang ang paggalaw ng presyo ng langis at iba pang pangyayaring nakaaapekto sa pandaigdigang kalakalan.
Patuloy na hinihikayat ng DA ang publiko na makiisa sa Bantay Presyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-uulat ng posibleng paglabag sa price cap sa mga awtoridad.
Tiniyak ng ahensya na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang monitoring sa mga pamilihan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili sa Gitnang Luzon.







#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong

