Nagsagawa ng mass trapping ng fall army worm ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa ilang taniman ng mais sa Concepcion, Tarlac nitong ika-16 ng Pebrero. Pinangunahan ang hakbang na ito ng Corn Program katuwang ang Regional Crop Protection Center, Tarlac Provincial Agriculture Office, at Conception Municipal Agriculture Office.
Layunin ng aktibidad na ito na pigilan ang pagdami ng fall armyworm o harabas. Isa itong mapaminsalang peste na maaring magdulot ng malawakang pinsala sa mga pananim ng mga magsasaka tulad mais.
Sa nasabing mass trapping, nagkaroon ng instalasyon ng mga trap o umang gamit ang mga plastic gallon na may kasamang Pheromone Lure, tubig, at kaunting dish washing liquid. Sa pamamagitan ng mga ito, maaakit ang mga fall army worm moth na siyang simula ng siklo ng kanilang buhay. Ang nasabing trap ay maaring magtagal ng isa hanggang dalawang buwan.
Isinagawa ang aktibidad sa tatlong barangay ng Concepcion. Kabilang dito ang ang Brgy. Castillo, Brgy. Magao, at Brgy. Lilibangan.
Ang malawakang pagsugpo sa fall army worm ay isa sa mga plano ng DA RFO 3 na regular na isasagawa.