Pormal nang nilagdaan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon (DA RFO III), sa pamamagitan ng Agricultural and Fishery Logistics Office (AFLO), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at ang Makakalikasan Gabaldon Farmers Agriculture Cooperative ng Brgy. Buliran, Lungsod ng Cabanatuan, ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagtatayong isang (1) yunit ng 396,000 bag-capacity Mega Cold Storage Facility na may Integrated Solar Energy System.

 

Ang proyektong ito ay ipatutupad sa ilalim ng FY 2025 Locally Funded Projects (LFPs) at opisyal na nilagdaan noong ika-5 ng Mayo 2026 sa Conference Room ng DA RFO III, Diosdado Macapagal Government Center (DMGC), Brgy. Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

 

Ayon kay DA-Assistant Secretary for Logistics Daniel Alfonso N. Atayde “Ito ang kauna-unahang Mega Cold Storage na itatayo dito sa Central Luzon, ang itatayong pasilidad na ito ay inaasahang maka bawas sa mga post-harvest losses ng ating mga magsasaka, ma-stabilize ang presyo at masiguro ang seguridad sa pagkain sa ating bansa”

 

Bilang kauna-unahang Mega Cold Storage Facility sa Gitnang Luzon na may Integrated Solar Energy System, layunin nitong pahabain ang shelf-life at mapanatili ang mataas na kalidad ng mga pangunahing produktong agrikultural tulad ng sibuyas, bawang, kalabasa, at kamatis. Higit pa rito, inaasahang makababawas ito sa gastusin sa kuryente sa pamamagitan ng paggamit ng renewable energy, na magbibigay ng mas episyente at napapanatiling operasyon ng pasilidad.

 

Sa kabuuan, inaasahang makatutulong ang proyektong ito sa pagbawas ng postharvest losses, pagpapatatag ng presyo sa merkado, at pagpapalakas ng kita ng mga magsasaka hindi lamang sa Nueva Ecija kundi maging sa mga karatig-lugar.

 

Ayon kay Regional AFLO Focal Person Engr. AB P. David, ang pasilidad ay may kabuuang halagang ₱493,288,154.00 at sukat na 246.5 x 56.48 metro, ay inaasahang matatapos sa loob ng 270 calendar days alinsunod sa itinakdang contract duration. Kalakip din ng proyekto ang pagbibigay ng dalawang (2) yunit ng electric forklifts na may 1.5–3 toneladang kapasidad at 5,850 piraso ng heavy-duty plastic pallets na sasaklaw sa buong lawak ng sahig ng pasilidad upang matiyak ang episyente at maayos na operasyon.

 

Nagpahayag naman ng pasasalmat ang mga miyembro ng Makakalikasan Gabaldon Farmers Agriculture Cooperative para sa ipinagkaloob na pasilidad.

“Kami po ay nagpapasalamat sa tulong mula saating gobyerno lalong lalo na po sa DA, asahan niyo po na hindi po namin pababayaan ang inyong ipinagkaloob na pasilidad para sa mga magsasaka ng Nueva Ecija.”

 

Kabilang sa mga dumalo sa MOA signing sina DA Assistant Secretary for AFLO Daniel Alfonso N. Atayde, Regional Executive Director Eduardo L. Lapuz Jr., Regional Technical Director for Operations at AMAD Arthur D. Dayrit, Ph.D., OIC-Regional Technical Director for Research at Regulations Elma S. Mananes, Field Operations Division Acting Chief Lowell Rebillaco, Ph.D, Regional HVCDP/NUPAP at AFLO Focal Person Engr. AB P. David, at Judge Angelo Perez.

 

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong