Pormal nang nilagdaan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) at ng Pilmico Foods Corporation ang isang Memorandum of Agreement (MOA) noong ika-18 ng Pebrero sa Capas, Tarlac, bilang pagsisimula ng isang makabuluhang kolaborasyon sa paggawa ng mga impormatibo at pang-edukasyong video episodes para sa Gen XP TV, isang digital educational platform na nakatuon sa agribusiness at livestock development.
Layunin ng kasunduang ito na makapaghatid ng makabuluhan, praktikal, at napapanahong kaalaman sa mga magsasaka, livestock raisers, stakeholders, at iba pang kalahok sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga video na magtatampok ng mga ekspertong resource speakers at mga matagumpay na practitioner sa larangan ng agribusiness at paghahayupan.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Pilmico Foods Corporation ang mangunguna sa produksyon, editing, at publikasyon ng mga video, habang ang DA-RFO III naman ay magbibigay ng mga technical experts, resource speakers, at stakeholders na magbabahagi ng kanilang kaalaman, karanasan, at best practices sa kani-kanilang larangan. Pinahihintulutan din ang Department of Agriculture na gamitin at ibahagi ang mga nasabing video sa opisyal nitong website at social media platforms para sa layuning pang-impormasyon at pang-edukasyon.
Ang kasunduan ay epektibo mula Agosto 1, 2025 hanggang Disyembre 30, 2026, at inaasahang magsisilbing mahalagang plataporma sa pagpapalakas ng kaalaman, kakayahan, at kamalayan ng mga sektor na may kinalaman sa agrikultura at industriya ng paghahayupan.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, higit pang pinagtitibay ng DA-RFO III at Pilmico Foods Corporation ang kanilang sama-samang layunin na isulong ang sustainable agriculture, food security, at inclusive agribusiness development sa bansa.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong







