Isinagawa ngayong araw, ika-30 ng Enero, ang isang pagpupulong at workshop ng Gender and Development Focal Point System (GAD FPS) sa Training Hall ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Nagsimula ang programa sa isang mensahe mula kay Dr. Milagros Mananggit, ang Chief ng Integrated Laboratory Division at GAD Focal Person, na nagpahayag ng kahalagahan ng pagpupulong.
Ayon kay Dr. Mananggit, ang pagtutok sa GAD ay hindi lamang isang tungkulin kung ‘di isang misyon na makikinabang ang buong sektor ng agrikultura.
Samantala, nagpahayag naman ng buong suporta ang Regional Executive Director at GAD FPS Chairperson na si Dr. Eduardo Lapuz, Jr. sa mga inisyatibang naglalayong magtaguyod ng mga programang nakasentro sa gender equality at empowerment.
Ang mga pangunahing tinalakay sa workshop ay ang rationale ng aktibidad, GAD FPS, Special Order, mga tamang paraan ng pagsagot sa mga form at mode of verifications, pati na rin ang pagbuo ng GAD Plan at Budget para sa 2025 ng bawat banner program at dibisyon.
Bukod dito, tinalakay rin ang mga plano at aktibidad ng GAD para sa darating na taon, na layuning maging mas epektibo at masaklaw ang mga hakbangin ng ahensiya sa pagsulong ng gender equality.
Sa tulong ng aktibidad, nagbigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng GAD FPS na magtulungan at magbahagi ng kanilang mga kaalaman at ideya upang mas mapabuti ang implementasyon ng mga proyekto at programa.
