Nagtipon-tipon ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensya sa pangunguna ng Department of Agriculture Regional Field Office III para sa 2nd Quarter Regional Management Committee (RMC) Meeting na ginanap sa tanggapan ng National Food Authority (NFA) sa lungsod ng Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Hulyo 16, 2026.

Pinangunahan ni Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Regional Executive Director, ang paglalahad ng mga adyenda, habang pinangasiwaan naman ni Noli C. Sambo, Chief ng PMED, ang pagbasa at pag-apruba sa katitikan ng nakaraang pagpupulong.
Pangunahing tinutukan sa pagpupulong ang mga estratehiya sa seguridad sa pagkain, makabagong sistema para sa mga magsasaka, at ang paghahanda sa banta ng El Niño sa Gitnang Luzon.

Inilatag ni Jeoffrey S. Paraton, Regional Manager II ng NFA Region 3, ang kanilang operational targets para sa mga taong 2026 hanggang 2028, kung saan binigyang-diin ang layuning makabili ng milyong-milyong bag ng palay at maipamahagi ang mga kaukulang supply sa rehiyon. Sentro rin sa kanyang ulat ang pagpapakilala sa bagong Purchase Order (PO) System for Palay Procurement, isang pormal na mekanismo ng gobyerno na naglalayong maghatid ng standardisasyon, stabilisasyon sa pamilihan, at mas mabilis na pagbabayad sa mga magsasaka upang maiwasan ang pagsasamantala ng mga pribadong trader. Ang sistemang ito ay bukas sa mga indibidwal at walk-in na magsasaka, pati na sa mga samahan ng mga magsasaka – na rehistrado sa RSBSA o may sertipikasyon mula sa Municipal Agriculture Officer (MAO).
Kasunod nito, nagbahagi naman si Christian T. Ramos, ang Regional Seed Coordinator ng DA RFO III, ukol sa mga pinakabagong update sa pamamahagi ng mga binhi ng palay sa rehiyon. Sinundan ito ng pag-uulat ni Laarni Mary S. Roxas, Regional Manager ng PQS Region 3 mula sa Bureau of Plant Industry (BPI), na nagbigay-linaw sa estado at mga regulasyon sa kasalukuyang importasyon ng bigas sa bansa.




Sa bahagi naman ng irigasyon at pamamahala sa kalamidad, iniharap ni Engr. John Louie S. Urbano, Acting Chief, Operations Section ng NIA Region 3, ang estado ng mga aktibidad sa pagsasaka para sa kasalukuyang taon, kasabay ng kanilang El Niño Action Plan at pagtukoy sa mga vulnerable areas ng bawat probinsya. Sumunod na naglatag ng komprehensibong El Niño Action Plan si Dr. Lowell D. Rebillaco, Regional Rice Program Coordinator ng DA-RFO III. Kabilang sa ibinahaging mga estratehiya ang pagbuhay sa Disaster Task Force, lingguhang pagsubaybay sa Magat Dam at ulat-panahon ng PAGASA, pamamahagi ng mga solar-powered irrigation systems at pump sets, gayundin ang pamimigay ng mga drought-tolerant na binhi at pagganyak sa mga magsasaka na magpalit-pananim muna tulad ng munggo, mais, mani, at sibuyas pagkatapos ng anihan. Kasabay nito, tiniyak din ni Missael Maxion, Aquaculturist I mula sa BFAR Region 3 ang kanilang kahandaan sa sektor ng pangisdaan sa panahon ng tagtuyot.
Sa aspeto naman ng kalusugan at nutrisyon, inilatag ni Kedesh Mae M. Dagdagan, Food Tech III, ang Milk-Feeding Program (MFP) plan para sa taong 2026, kabilang ang pagpapalawak ng lokal na produksyon ng gatas at pagpapalakas ng kapasidad ng mga dairy cooperative.

Ibinahagi naman ni Engr. Oscar O. Carpio, Center Chief mula sa NSWRRDC-LUPEZ ng BSWM ukol sa National Soil Health Program na gumagamit ng Balanced Fertilization Strategy, pati na rin ang mga update sa kanilang Composting Facility for Biodegradable Wastes (CFBW). Ipinakita naman ni Dr. Andres L. Dela Cruz, Jr. ng DA-PhilRice ang pag-unlad ng mga proyekto sa ilalim ng RCEF, partikular ang pagpapakilala sa Binhi e-Padala 2.0 na may roll-out plan simula ngayong 2026 wet season hanggang sa susunod na taon upang mas mapadali ang ugnayan at pagkakaloob ng suporta sa mga komunidad ng magsasaka.

Huling nag-ulat si Irene P. Estacio, Acting Chief ng Operations Section ng NIA-UPRIIS, na nagbigay ng detalye sa kasalukuyang sitwasyon ng tubig sa Pantabangan Dam, kasama ang mga panukalang interbensyon laban sa El Niño at ang iskedyul ng cropping area para sa unang dry crop ng taong 2027. Ang aktibidad ay dinaluhan din ng iba pang mahalagang ahensya tulad ng PCIC, ATI, PCA, at ACPC upang mapagtibay ang pagkakaisa ng buong sektor ng agrikultura sa Central Luzon.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong

