Idinaos ang Young Farmers Challenge (YFC) Season 5 National Level Awarding nitong ika-23 ng Abril sa Convention Center sa Iloilo City, kung saan kinilala ang husay, inobasyon, at dedikasyon ng mga kabataang magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa—kabilang ang mga kalahok mula sa Gitnang Luzon.

Nanguna sa Start-up Component si Robin Samson mula Pampanga sa kanyang proyektong “ExtraOrdinary Duck Farm,” na nagpakita ng potensyal sa makabagong pag-aalaga ng itik at produksyon.

Samantala, itinanghal namang Upscale Component Winner si John Carlo Abedoza mula Nueva Ecija para sa “SirJuan Agriventure,” na kinilala sa pagpapalawak at pagpapaunlad ng kanyang agribusiness.

Bilang suporta sa kanilang mga negosyo, tumanggap si Samson ng karagdagang kapital na ₱300,000, habang ₱500,000 naman ang ipinagkaloob kay Abedoza upang higit pang mapalago ang kanilang mga proyekto.
Kabilang din sa mga itinampok na national finalists sa Start-up Component (Phase II) ang mga sumusunod: si Chloe Doble ng “GreenShoot Production” mula Zambales; si John Rafael Pomer ng “JR SolarTech Dryer” mula Bataan; ang grupong LegenDAIRY mula Bulacan; at sina Jeremy Denzell M. Pedroso, Rheymart C. Caluguiran, Mary Jane Tiña, Jhon Aldrin Magtira, at Mikaella Rafer.
Sa Intercollegiate Component naman, kinatawan ng Limay Polytechnic College ang rehiyon sa pamamagitan ng proyektong “Musa Crunch,” na nagbigay-diin sa value-adding ng mga produktong agrikultural.
Ang tagumpay ng mga kalahok mula Gitnang Luzon ay patunay ng lumalakas na partisipasyon ng kabataan sa sektor ng agrikultura. Ipinapakita rin nito na sa pamamagitan ng tamang suporta at inobasyon, may mahalagang papel ang kabataang Pilipino sa pagsusulong ng food security at kaunlaran ng bansa.
#BagongPilipinas #DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong
