Buong puso ang pasasalamat ng mga magsasaka sa Department of Agriculture Regional Field Office 3 matapos ang matagumpay na pamamahagi ng Fuel Assistance to the Farmers Project for FY 2024 nitong Oktubre 1, 2025.

Umabot sa 507 na benepisyaryo mula sa mga bayan ng Llanera, Pantabangan, Rizal, at Talavera ang nakatanggap ng tig-iisang cash card na magsisilbing dagdag-tulong sa kanilang gastusin sa produksyon at operasyon sa bukid.

Layunin ng nasabing programa na matulungan ang mga rehistradong magsasaka na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo at mapanatili ang kasapatan sa suplay ng pagkain.

Ang proyektong ito ay isa sa mga patuloy na inisyatiba ng Kagawaran ng Pagsasaka upang matiyak na hindi mapapabayaan ang sektor ng agrikultura, lalo na sa mga pangunahing probinsya gaya ng Nueva Ecija na kilalang “Rice Granary of the Philippines.”

Isa sa mga tumanggap ng ayuda, si Pablo Baldomero III ng Talavera, Nueva Ecija, ay nagpahayag ng kaniyang labis na kasiyahan.

Aniya, “Malaking tulong ang natatanggap naming cash card, satisfied na satisfied kami sa mga programa ng Department of Agriculture, okay na okay.”

Ayon pa sa kanya, malaking ginhawa ito upang maipagpatuloy nila ang kanilang pagtatanim at maitaguyod ang kanilang pamilya.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong