Mga magsasakang GAP Certified sa Gitnang Luzon, patuloy sa pagtaas
Ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Regulatory Division kasama ang Bureau of Plant Industry (BPI) bilang mga national inspector ay patuloy ang pagbibigay ng sertipikasyon sa mga sakahang sumusunod sa mga tuntuning itinatalaga ng Philippine Good Agricultural Practices o PhilGAP nitong ika-12 hanggang ika-16 ng Hulyo sa mga lalawigan ng ikatlong rehiyon.
Sa isinisulong ng Kagawaran na Bagong Pananaw sa Agrikultura upang makamit ang masaganang ani at mataas na kita na mapaunlad sa buhay, mapalakas at maging mapagkompitensya ang magsasaka at mangingisda at makamit ang seguridad ng pagkain sa bansa, isa ang Good Agricultural Practices o GAP sa may malaking parte dito. Sunisiguro nito ang kaligtasan ng magsasaka, walang naidudulot na masama sa kapaligiran, magandang kalidad ng ani at mabuting naidudulot sa kalusugan ng mga konsyumer.
Ilan lamang sa mga commodity sa bawat sakahang nabigyan ng sertipikasyon ay kalamansi, sibuyas, mangga, bayabas, langka, cassava, papaya, mais at mga assorted na gulay.
Sa kabuuang bilang, nakapagtala ng 18 (14 bago at 4 renewal ng sertipikasyon) na sakahang nakapasa sa final inspection ng Regional GAP team at BPI.
Maliban dito, nagsagawa din ng annual monitoring sa 44 na sakahan sa probinsya ng Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga at Zambales.
Ayon naman sa Regional GAP team, sa kanilang ginanap na pagpupulong nitong nakaraang Hunyo ay binibigyan na ng pagkakataon magkaroon ng GAP certification ang mga magsasakang nagpapraktis ng hydroponics na sistema. Ito ay nagbibigay konsiderasyon sa mga magsasakang hindi gumagamit ng lupa sa kanilang produksyon ng pagkain.
Sa ngayon, may kabuuang 177 na GAP certified farms sa buong Gitnang Luzon.