Ipinagdiwang ng Kagawaran ng Pagsasaka ang Buwan ng Magsasaka at Mangingisda 2023 nitong ika-15 ng Mayo sa DA-Bureau of Soils and Water Management, Convention Hall, Quezon City.
Ito ay may temang “Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya” at naglalayong bigyang pugay ang kanilang mahalagang kontribusyon sa seguridad sa pagkain at pang-ekonomiyang pag-unlad ng bansa.
Kabilang sa mga ginawaran ang ilan sa mga natatanging magsasaka mula sa Gitnang Luzon. Isa sa kanila ay si Dr. Richard Torno ng Canaan Farmers Association mula sa Pampanga, na kinilalang natatanging magsasaka ng cassava.
Itinanghal naman bilang Best Urban Farm ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program ang Bausa Integrated Farm ng Bulacan. Ang parangal ay tinanggap ng presidente ng asosasyon na si G. Luis Bausa.
Samantala, binigyang pagkilala si G. Enrico Batungbacal ng Mango Stakeholders Association ng Zambales bilang natatanging magsasaka sa fruit category ng High Value Crops Development Program. Nagkaroon din siya ng pagkakataon na magpahayag ng mensahe sa representasyon ng mga magsasaka.
“In behalf of my fellow farmers, we commend the efforts of the men and women of the Department of Agriculture in helping farmers like me fight it out to face the ever-changing challenges of present agricultural landscape. Nararamdaman namin kayo. We hope you continue to come to our aid to lessen the impact of adverse climate conditions, rising cost of farm inputs such as fertilizers and fuel, and many more,” mensahe ni G. Batungbacal.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga pangunahing opisyal ng kagawaran. Ito rin ay dinaluhan ng mga opisyal ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ni Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr., Field Operations Division Chief Elma Mananes, Corn Program Coordinator Adela Peñalba, at Regional HVCDP Focal Person Engr. AB P. David.